…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

Isang kahong Ilusyon

May kalakasan ang ulan ng tanghaling ‘yon habang matamlay na naglalakad ang isang babae sa pasilyo ng isang nilumang gusali. Gusot ang kanyang mukha’t medyo sabog at tuyot ang buhok niyang hanggang balikat, nanlilimahid ang mga paa na para bang tutubuan na ng kabute…pamilyar ang kanyang kasuotan para sa mga nagtatrabaho sa pagamutan. Pabagal nang pabagal ang kanyang mga hakbang hanggang sa gumilid na siya para umupo sa simentong upuan na nakadikit sa pader. Sa tabi ay isang lalaking nakashades, kayumanggi’t katamtaman ang tangkad, nakasandal sa kanyang kinauupuan habang nakaipit sa kanang braso ang isang tangkay ng eskoba.

“kuya, pwede pong makiupo? Magpapahinga lang po ako saglit…” pakiusap ng babae.

“ ’ge, upo ka lang, pampubliko naman ‘tong upuan na ‘to, e..” sagot ng lalaki na di man lang siya nilingon.

Nakaupo na ang babae ilang pulgada ang distansya mula sa katabing pinakiusapan. Nakataas ang dalawang paa at inaakap ng pareho niyang mga braso.

“ anlakas ng ulan kuya ‘nu? siguro naliligo ngayon sa langit yung mga anghel. Tsaka ang itim ng ulap, di kaya dun naiipon mga libag nila?”

“ hmm..(bahagyang napangiti) baka nga. Naririnig ko anlakas nga ng ulan.”

“ tingnan mo kuya yung ulap, nagkokorteng kamote!”

“ …huh?

“ ayun no! Sa may kanan.”

“ o? Maganda? di ko kasi alam itsura ng mga binabanggit mo, e…bulag ako.”

“ …??? ” napakunot ang noo ni babae at napalingon sa kausap.

“ pinanganak akong bulag kaya di ko alam ang eksaktong itsura ng mga bagay-bagay. Hugis lang ang kaya kong alamin ‘pagnahahawakan ko na ang mga iyon.”

“ ay ganun? …sayang naman di mo naman pala nakikita.”

“ imahinasyon ang ginagamit ko para makakita…teka, anu nga pala pangalan mo? Tsaka ba’t napadpad ka dito?”

“ pangalan ko? Wander-Wuman…yun ang tawag sa’kin ng mga kasama ko sa malaking bahay. Kanina pa kasi ‘ko lakad ng lakad, lumayas kasi ‘ko sa’min, e.”

“ …? kung ganon superhero ka pala. ‘di nga? ‘nu pangalan mo talaga? Tsaka sa’n yung sinasabi mong malaking bahay at ba’t ka naman naglayas?”

“ Wander-Wuman nga pangalan ko…tanong mo pa sa mga kasamahan ko, e. Di ko alam kung sa’n yung malaking bahay na ‘yon, basta malaki siya, may mga babaeng pare-parehong nakasuot ng kulay puti, nars ang tawag namin sa kanila na araw-araw kaming sinasaksak ng karayom…isa yon sa mga dahilan kung bakit kami tumakas sa malaking bahay na yon. Maraming ding kwarto, dun kami natutulog, kumakain at dun din namin pinagtatalunan kung ano ang realidad. Labing anim kami sa kwarto namin nung una, kelan lang nung magkasunod na umalis si Akwaman tsaka si Welberin, di ko sila maintindihan sabi nila wala na daw kasi silang sakit kaya pwede na daw silang makauwi. Di ko naman alam kung ano yung sakit na yon. Tapos kahapon…nagpasya na kami ni Superman na tumakas sa bahay na yon para makaalis dahil para sa’min mas malalaman mo ang realidad pag kumawala ka sa nakagisnan mong mundo kung saan ka nakakulong. At eto ko ngayon, nakikipagusap sayo…”

“ di ko alam kung may naintindihan ako sa mga kwinento mo…kakaiba ka. Pero pano ka pala napunta sa bahay na yon?”

“ ang naaalala ko lang e simula nung di na magpakita sila nanay dun na ko pinatira ni lola, ayaw ko man pero paulit-ulit niyang sinasabi sakin na mas makakabuti daw yon para bumalik ako sa dati…may mga naririnig ako nun mga taga samin sinasabi na baliw daw ako…”

“ baliw?…”

“ oo…alam mo ba yon?”

“ ang alam ko sila yung mga taong mahirap maintindihan na dapat intindihin.”

“ …minsan, natatanong ko sa sarili ko kung sino nga ba yung baliw, ako ba? O yung mga taong di nakakaintindi sakin?…”

“ pare-pareho tayong di nagkakaintindihan e di pare-pareho tayong baliw.”

Bahagyang humina ang buhos ng ulan ngunit ang maabong kulay ng ulap ay nagpapahiwatig pa din ng nagbabadyang isa pang pagbuhos. Naduduwag pa din ang mga ibon na maglaro sa himpapawid. Pero ang mga dahon, mukhang masaya sa pagindayog sa tempong likha ng pumapatak na ulan. Samantala ang dalawang nilalang sa ilalim ng gusaling ‘yon, tila nagkapalagayan sa isang dayalogong tumatalakay sa kapirasong istraktura ng katotohanan na kalimitang iniiwasan ng mga normal na tao. Kalokohan? o katotohanan? Walang nakakaalam.

“ ……diba pinanganak kang bulag? E di hindi mo pala nakikita ang realidad? O baka meron ka ding eksrey bisyon gaya ni Superman?”

“ mukha ba kong superhero? Wala namang sinturon yung brip ko, a… di lang naman mata ang gamit para malaman ang realidad. Wala nga kong eksrey bisyon, meron naman akong imahinasyon. Tingin ko pag meron ka non makikita mo kahit ang mga bagay na di nakikita ng mga mata.”

“ o? …sabihin mo nga sakin kung ano nakikita mo ngayon?”

“ wala…”

“ adik ka pala, e”

“ ba’t ikaw? Kaya bang makita ng mga mata mo ang ‘wala’ ? kahit san ka tumingin, kahit san ka lumingon, hanggat may pumapasok at tumatambay na liwanag dyan sa mga mata mo e hindi mo mapapatunayan na nakakita ka na ng ‘wala’ ..sa madaling sabi, kaming mga bulag lang ang may kakayahan na makita ng ‘wala’ ..”

“ ewan…di kita maintindihan, nakalimutan mo na ata baliw ako.”

“ hmmm….o nga pala no? E…. ’kaw? bilang isang baliw, anong klaseng mundo naman meron ka?”

“ ako? …gaya ng sabi nila, meron akong sariling mundo. At ako mismo ang gumawa non. Ang galing ko di ba? Mundong ako lang mismo ang nakakaintindi, walang ibang diyos kundi ako. Kelan ko lang nalaman na napakamakapangyarihan pala ng tao, kung gaano siya kagaling mangwasak ganon din siya kagaling lumikha. Lumilikha siya ng sarili niyang mundo pati sarili niyang karanasan nang hindi niya nalalaman…at ang nakakatawa don, pag di niya nagustuhan ang mga nilikha niyang karanasan, isisisi niya yon sa kung sino ang tingin niyang dapat sisihin.”

“ …pano mo naman nasabi yon? Magulo ba talaga buhay ng tao?”

“ huh? Malay ko sa kanila…di kasi nila matanggap na may mas masarap pa kaysa sa nakagisnan nilang paboritong putahe.”

“ uy…humihina na ba ulan?”

“ a, oo…ambon-ambon na lang, tapos na siguro maligo yung mga anghel…”

“ ewan…tara, sumama ka muna sakin sa bahay para magmerienda…kumakain ka ba ng biskotso?”

Dahan-dahang umunat ang mga binti ng nagyaya, gamit ang tangkay ng eskoba pangkapa, mahusay niyang nailapat ang mga talampakan sa semento at nakatindig. Napilitan na ding tumayo ang kausap. Naglakad sila palayo sa inupuan.

“ nga pala kuya, di ko pa alam ang pangalan mo…”

“ Topeng…topeng na lang itawag mo sakin.”

“ ang sarap naman ng pangalan mo…tunog kakanin.”

Naglalakad palayo sa kanilang kinaupuan, unti-unting umaaliwalas ang paligid. Si Topeng…nabanat ang kanyang nanunuyong labi sa bahagya niyang pagngiti nang marinig niya ang mga piyok ng mga naghaharutang ibon sa itaas.

“ ester…ester nga pala tunay kong pangalan…may kape ba sa inyo? Kape tayo a..”

Umakbay siya kay Topeng na para bang matagal na silang magkakilala.

Advertisements

One response

  1. army

    nabasa ko na to dati..aus sa mga kataga ahh.. huh pwede ng panlaban kay bob ong..hehehe

    Abril 23, 2010 bandang 12:14 hapon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

w

Connecting to %s