…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

Archive for Pebrero, 2010

Parepresyong Unibersidad ng Pilipinas

Hindi naman wet dreams, pero nagising ako ng alas kwatro ng madaling araw na bahagyang basa ang unan gawa ng panis na laway na tumagas mula sa dalisay na bukal ng aking bunganga. Lunes na naman, himalang nagising ako ng maaga nang hindi napapaos ang cellphone ko sa pag-alarm. Pero tulad pa din ng dati, binubulyawan pa din ako ng isip ko na kailangan ko nang bumangon, pero normal na sa mga katulad ko na pagunang gising e ilang ‘five-minutes’ muna ang lilipas bago tuluyang babangon. Humigit dalawang oras ang ginugol ko sa pagaasikaso sa sarili ko, ligo, kain, bihis at ang pinakamatagal, ang pagaayos ng buhok na talo pa ang baklang nagpa-semi kalbo sa adik. Nakakapawis na ng kili-kili ang sikat ng araw ng makaalis ako sa bahay, alas siete at ang oras ng klase ko ay alas otso y medya, dalawang oras ang byahe ko at habang nagaantay ng masasakyan ay nai-imagine ko ang isang pink na class card na sa likuran ay tadtad ng mga maliliit at patayong linya na katumbas ng salitang ‘late’. Pinara ko ang isang jeep na puno na pala ng pasahero pero ang kundoktor nitong nagmistulang tindahan ng hikaw ang mukha e sige pa rin ang pagkumbinsi sa akin na may mauupuan pa. Nakaupo naman ako pero para akong nagsasanay ng kung-fu sa posisyon ko na tigkalahating pisngi lang ng puwetan ko ang nakalapat.
Jeep, bus, jeep. Araw- araw, sa loob ng dalawang oras na byahe, isa na sa mga sangkap ng pabango ko ang usok mula sa mga sasakyan habang soundtrip naman ang mga nakakarinding busina. Di na din mabilang ang tono ng pananalita ang nailapat ko sa mga katagang ‘bayad ho, cubao, estudyante’ sa tuwing sasampa ako sa sasakyan. At halos sanay na ako makipaggitgitan at sumakay sa mga sasakyang nasa loob ang tambutso. Ang resulta, dadating ako sa iskul na amoy talyer at pawisan ang singit. Halos walang pinagiba ang karanasan na yon sa mga nauna maliban nang dumating na ako sa pinapasukan kong unibersidad magaalas nuwebe na ng umaga.
Papalapit na ako sa entrance gate at para akong namimili sa ukay-ukay sa paghahalungkat ko sa bag ko para kunin ang gate pass na tinatawag nilang ID. Nakakatawa dahil ang mga legal na estudyante dito na walang maipakitang ID pagpapasok e sumasailalim muna sa isang masinsinang interogasyon ng mga guard, para bang mga terorista kung ituring. Pero kapag mga bisita naman ang papasok at walang maipakitang valid ID, kahit sabihin mo lang sa mga guard na magpapahangin ka lang sa loob e papapasukin ka na. Kung sino pa yung dayuhan, sila pa yung mas binibigyan ng prebelehiyo na magpasok ng bomba. Nakapasok na ako sa loob ng mailabas ko ang ID ko at doon ko lang napansin na wala pala niisa man lang na guard na nagbabantay. Dahan-dahang bumagal ang lakad ko habang nililingon ang bandang kanan at kaliwa, bahagyang pang pumihit ang ulo ko para masulyapan ang paligid. Isang malaking ‘question mark’ ang lumitaw sa ulo ko kasabay ng pagsasalubong ng dalawa kong kilay. Sa abot ng mga natanaw ko e walang dudang ako lang ang nilalang sa mga oras na yon. Kakaiba ang pakiramdam dahil first time ko masilayan ang eskwelahan ko na ganon katahimik, ako lang ang tao at parang ang sarap sumigaw. Naglakad pa ako ng ilang metro palayo sa gate. Tanging mga lagaslas ng mga dahon at maliligalig na hangin ang naririnig ng tenga ko habang binabaybay ko ang waiting shed. Nasapawan ang pagod ko sa byahe ng pagtataka kung anong kababalaghan ang nangyari o kung anong klaseng program ang pinagdiriwang ng campus at parang sinadyang di ipaalam sa akin. Para nga akong nasa isang tipikal na zombie-suspense film, alertong naglalakad at sobrang tahimik ng paligid, biglang bubulaga ang isang matabang zombie na naka-costume ng uniporme pang security guard, naaagnas at naglalaway ng dugo. Sabay magbabaklas ng mukha na prosthetic lang pala at tatambad ang mukha ni Michael V. Sabay sigaw ng ‘Yari Ka!’. Pero imahinasyon ko lang naman yon. Sinusulit ko na agad ang sarap ng kakaibang aura ng paligid dahil baka sa isip-isip ko e nasa conference room lang lahat ng tao para sa kakaibang power-trip o programa ng admin at pagtapos e maglalabasan uli at doon muling babalik ang pangkaraniwang itsura ng eskwelahan. Pero sa kasawiang palad, imahinasyon ko lang pala uli yon. Nasa direksyon na ako patungong main building nang may maaninag akong isang hugis tao na nakatayo sa tabi ng plant box kung saan ilang dipa lang ang pagitan sa papasukan kong hall. Luminga-linga uli ako sa paligid bago muling ituon ang atensyon sa nakita. Ilang sigundo muna bago ko matanto na wala na pala akong inaaninag. Hindi ko alam kung guni-guni o nasobrahan lang ako sa panonood ng Darna, basta bigla na lang nawala. Nakatuntong na ako sa entrada ng hall at nakumbinsi ko na kaagad ang sarili ko na guni-guni ko lang ang nakita ko. Naglalakad ako nang nakatingin sa sahig at nakayuko ng kaunti, swabe lang ang pagliko ko sa kanan nang maalarma ako sa isang nakaitim na nilalang sa harapan ang mabubunggo ko na sa pagkakayuko ko e ibabang parte lang ng katawan niya ang nakita ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at nakaramdam ako ng magkahalong takot at constipation. Nakaramdam din ako ng mahinang boltahe ng kuryente na bumalot sa katawan ko sabay may sumaklob ng mabahong plastic sa ulo ko, doon ako nawalan ng ulirat at….   (–itutuloy..)

Advertisements

Sleeping Beauty (and the seven drugs)

Totoo na nga pala talagang may mga zombies dito sa Pinas. Malamang noon pa sila naglipana. Panahon kung saan unang na-virus ang lipunan hanggang sa nagkahawa-hawa na ang mga tao at unti-unti nang dumami ang mga naglalakad ng tulog at nagtutulog-tulugan. Ang problema pa, andiyan lang sila sa paligid, pwedeng kapitbahay mo, kaopisina o kaklase at kung hindi malakas ang resistensya ng karne diyan sa pagitan ng tenga mo dahil sa di mapanuring isip e di magtatagal isa ka na ding zombie na nabubuhay lang para makakain ng kapwa laman. Pero kahit papano, may mga nagigising pa din naman. At pilit na ginagamot ang lumalalang sakit ng lipunan.

Sa paanong paraan mo gigisingin ang taong nagtutulog-tulugan?


Ang Seremonya ni Pepe sa Kailaliman ng Gabi

Natapos ang kinahumalingang ritwal sa gabi
Ang paligid ay wala ng imik
At tanging langingit na lang ng bentilador
Ang tila musikang nagaaliw sa katahimikan

Nakasandal sa pader, bagsak ang balikat
Nakatingala sa kisame ngunit kalawakan ang tinatanaw
Naghihintay na sumpungin ng hikab
Kalauna’y antukin

Pero malabo ‘atang mangyari
Dahil sa gabihan niyang seremonya
Sa maagiw niyang kwartong
Tinuring niyang kapilya

Sa higaan niyang nagsisilbing pulpito
Sinasagawa ang mainit na pagsamba
Sa kapangyarihan ng pinulbos na bato
Napupunan ang pagnanasa

Ang apat na sulok ng kwarto
Tanging nakikinig sa kanyang homiliya
Maya’t-maya pa’y kanya na niyang binasbasan
Mga parapernalyang alay

Tangan ang tinuping palara sa ibabaw ng apoy
Ng gaserang tahimik na nagmamasid
Unti-unti niyang nararamdaman
Pag lutang sa kalawakan

Ang espirito ng puting bato
Usok na pamalit sa insenso
Sa bawat higop at buga
Nauusal, kanyang mga litanya

Ang bulong ng hangin sa paligid sa kanya’y sigaw
Ang paghinga ng ipis sa kanya’y bagyo
Nakikipagtitigan sa kanya ang isang daga sa sulok
Na sa ulirat niya’y isang halimaw

Wagas ang pagngatog na mga buto’t kasukasuhan
Nagpupulasan ang mga balahibo’t nahihintakutan
Hinihingal sa paghabol ng sariling hininga
Habang ang halimaw, papalapit sa kanyang kama
Nagkusang tumakbo ang mga paa
Papunta sa kalapit na bintana
Binuksan…
Maliliit na liwanag ang kumakaway sa kanya mula sa ibaba

Nakakalula…

Niyakap siya ng malamig na hangin sa taas ng kanyang kinalulugaran…

Nasa may paanan na niya pala ang halimaw na may dalawang ngipin…

Kumaripas siya sa may balkunahe at napaakyat…

Kinakawayan siya ng mga maliliit na liwanag sa ibaba
Matindi ang paghaplos sa kanya ng malamig na hangin
Bumagal ang ikot ng mundo
Habang siya’y bumubulusok paibaba…

Lumagapak…

…siya sa sahig mula sa kanyang kama naalimpungatan
At agad siyang napabangon

Tanghali na pala…