…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

Archive for Mayo, 2010

Little Mr.Greyhound

Heto na naman si Puloy, muling binabagtas ang kahabaan ng mausok at walang pahingang kalsada ng Aurora. Patungo kung saan makakapulot ng swerte. Sumpang naging habitwal sa mura niyang edad. Ang usok mula sa mga sasakyan ang tangi niyang pabango sa katawan, ang mga ingay ng kalsada ang kanyang musika at tanging lansangan ang nakagisnan niyang palaruan. Lahat ng ‘yon ay tinuturing niyang palamuti sa paulit-ulit na pagikot ng kanyang malamig na mundo. Araw-araw, mula umaga hanggang gabi ang kanyang byahe sa iisang ruta lamang para maghagilap ng panglaman-tiyan. Tinatahak niya mula Aurora hanggang kalsada ng Legarda para abangan ang mga nakakatakam na tira-tirang putahe’t panghimagas mula sa mga resto at fast food na kanyang nadadaanan. Sa maghapon, samu’t-saring mga nilalang ang kanyang nakakasalubong at minsa’y nakakasalamuha. Mga taong dedma sa mga tulad niyang walang umaari kaya’t naging palaboy, mga taong tinuturing na salot ang kanyang uri na minsa’y gumagamit ng dahas para siya’y maitaboy palayo. Meron din naman siyang mga katropa, mga kawangis niya na madalas niyang makadaupang-palad sa lansangan at makajamming sa hapagkainan. Di nila alintana ang panganib sa pakikipagpatintero kalaro ang mga humahagibis na mga sasakyan sa kalsada.

Isang gabi ng Martes, isang sandali kung saan abalang-abala ang lansangan sa mga dagsang sasakyan at mga taong papauwi mula sa kanilang pinanggalingan, halo-halong ingay ng iba’t-ibang nilalang, maruming usok mula sa mga pampasaherong jeep na humalo sa hangin at sumakop sa kapaligiran, at iba’t-ibang kulay at kutitap ng mga ilaw mula sa mga establisyimento na sumasayaw at nagpapabuhay sa mumunting palaruan ni Puloy. Heto siya’t katatapos lang mag-dinner ng tira-tirang paelya con pabo sa isang magarbong grill&resto sa kahabaan ng Magsaysay blvrd. Naghahanap na siya ng masisiestahan para sa pansamantala niyang pagiwan sa mausok niyang mundo. Napansin niyang madalang na ang pagdaan ng mga sasakyan kaya’t tyumempo siya sa pagtawid sa kabilang kalsada. Umarangkada na siya sa pagtawid nang marinig niya ang isa sa mga kinahumalingan niyang musika. Iisang ritmo ang tunog, walang melodiya at katono ng isang malakas na busina ng isang humahagibis na truck. Napalingon si Puloy sa kanyang kanan. Isang nakakasilaw na liwanag ang papalapit na tila nagsasabing tuluyan na niyang iiwan ang nakagisnan niyang mundo. Sa pakiramdam niya’y tinabunan siya ng nakakasilaw na liwanag. Dagling dumilim ang kanyang paningin at nablangko ang kanyang ulirat.

Heto na si Puloy, lapat at plastado sa kalsada, nakahandusay habang kasiping ang sariling dugo at mga laman-loob na nagkalat na parang taho. Luwa ang bituka’t sumirit ang paelya con pabo.

Heto na si Puloy, maya-maya lang aasikasuhin na ng MMDA ang kanyang bangkay.

Kawawang si Puloy, walang tagapagalaga, pinabayaan ng kanyang walang pusong amo, kasuklam-suklam para sa mga tulad niyang palaboy na aso..


Abiso

ang may akda ng blog na ito ay kasalukuyang natuyuan ng gata sa utak dahil sa hindi maipaliwanag na phenomenon na epekto ng mga planetary movements. Siya ay humihingi ng kaunting pasensya sa mga nagtatyagang bumisita at mga napapadaan sa site na ito. Napagpasya siya ngayon na  sumailalim muna sa isang hybernation, nose lift, breast enhancement at vasectomy na sa tingin nya po ay malaki ang maitutulong sa kanyang pagsusulat.

Para po sa inyong mga kawanggawa, pakilowdan na lamang po ang kanyang inaanik-anik na prepaid broadband. **09075591628**

Maraming salamat po sa inyong pangunawa.


“Incredible” Ink

Tubig, pamaypay, tuwalya, at kung ano pang mga panglunas sa nakakairitang pagaantay sa isang mala-pila ng libreng lugaw tuwing araw ng eleksyon. Maiwanan na sa bahay lahat-lahat ng pangontra sa pagkakainip wag lang ang mabisang gamot na lahat tayo ay mayroon…

…pasensya.

Isa ako sa mga first time voters na excited madumihan ang kuko sa araw ng botohan. Lalo pa ngayon at automated na, na para bang isang maselang propesor ang PCOS machine na pag di ka nagsipilyo at mahingahan mo lang ang balota e ire-reject na. Kinarir ko ang panonood sa telebisyon ng mga interviews sa mga kandidato. Halos isang linggo kong pinag-isipan, sinuri at pinagnilay-nilayan kung sinong kandidato nga ba ang karapatdapat bentahan ng boto iluklok sa posisyon.
Maaga akong gumising nung araw na yon dahil maaga dapat ako boboto, kaso sumagi sa isip ko na malamang karamihan sa mga botante sa lugar namin e ganon din ang plano kaya dagsaan din at mukhang di matutupad ang kahilingan kong mapabilis. At hindi nga ako nagkamali sa nabuo kong teorya. Mga bandang alas tres na ako nagpunta sa eskwelahan kung saan ako boboto, nalibot ko muna ang buong iskul bago ko makita ang presinto ko sa isang building na ilang metro lang pala ang layo sa entrance gate. Hindi na ganon kadami ang mga tao. Pawisan na ang singit ko habang hinahagilap ko ang pangalan ko sa listahan at nang makita e pakiramdam ko ay para akong nanalo sa isang contest.

**ang mga sumunod na eksena ay ang kalahating oras na nakakaburyong paghihintay habang nasa pila.**

Matapos kong makumbinsi ang sarili ko na maaliw sa pagbabasa ng mga polyetos at mga sample ballots na nagkalat e oras na para sa climax. Pasmado pa naman ang mga palad ko at normal na bumabaha ito ng pawis sa mga pagkakataong gaya nito. Pakabigay sa akin ng BEI, maingat kong hinahawakan ang balota na sa haba ay pwede nang ikumot. Pagkaupo ay binuklat ko ang secrecy folder at nahilo ako sa dami ng pangalan. Sa momentong iyon ko naramdaman ang kapangyarihang pumili ng mga taong katuwang sa pagpapaunlad ng ating bansa at ang nasa harapan ko ay ang mismong instrumento. Shade dito, shade doon. Di ko maiwasan ang mga kaunting lagpas at mga bakas ng pawis mula sa palad ko na dumampi sa balota kaya nang matapos, paglapit ko sa counting machine e slow-motion effect kong ipinasok ang balota at naghintay sa pagluwa nito kasunod ng pagkaalarma sa buong presinto at pagdedeklara ng failure of election. Pero hindi naman iyon nangyari kaya nakahinga ako ng maluwag.

Taas noo akong naglakad pauwi sa bahay na may kulay ube sa kuko ng kanang hintuturo simbolo ng pagtupad ng aking tungkulin bilang Pilipino. Kahit alam kong hindi naman mananalo ang binoto kong presidente, malaki pa rin naman ang magagawang pagbabago ng nagiisa kong boto.


Nostalgia

Nung bata ka ba?:

  • kinakagat mo din ba ang bakal ng mongol pencil mo para lumuwa ang eraser at makapagbura ka?
  • kumakanta ka din ba noon sa harap ng electric fan?
  • sinisilip mo din ba noon yung loob ng ref kung mamamatay yung ilaw habang sinasara?
  • kumain ka din ba ng nectar ng santan?
  • at tinangka mo na din ba noon na tikman ang iyong kulangot?

sagutan ng tahimik at ipasa sa guro nang nakangisi.

***mula sa isang forwarded text message***


Taas kamaong pagpupugay!

Muli na namang ipinagdiwang ang mapulang Araw ng mga Manggagawa. Nagtitipon-tipon saan mang sulok ng mundo, nagpapatunay sa patuloy na paglakas ng pwersa katuwang ang mga kasamang magsasaka’t mga kalinyang sektor ng lipunan para gibain ang pader sa kampo ng mga naghaharing-uri. Silang mga may angking kakayahan sa paglikha, di lang kamay ang gamit kundi gayon din ang talas ng pagiisip, silang dapat na nagpapatakbo sa produksyon na umaayon lamang sa pangangailangan ng sariling bansa, silang may tunay na husay at kapangyarihan ngunit kinukupot ng mga nagsasamantala, at silang pangunahing lakas para mabaliktad ang tatsulok, tuluyang sirain ang nabubulok na sistema at palitan ng perspektibang totoong makapagpapaunlad di lang ng bayan kundi ng sarili.

from each, according to his own ability, to each according to his need.”

Magsama-sama tangan ang iisang linya para sa layuning paunlarin ang bansa. Dahil ang uring manggagawa, tunay, malakas, hukbong mapagpalaya.

they lose nothing but their chain.” –Marx