…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

kwentuhan

Oo nga pala…

…kung paano sinulyapan ni Pedro ang kanyang likuran:

Maglilimang taon na din akong kumikilos. Halos limang taon na akong sumisigaw sa lansangan. Maglilimang taon na din akong nag-aalay ng dugo’t pawis, sakripisyo para sa sambayanan. Para sa Rebolusyon. Para sa masa. At sa halos limang taon na ‘yon, unti-unti, hindi ko na napagninilay-nilayan …sino nga ba ang masa?

Ako si Pedro. dalawamput-limang taong gulang. Dating estudyante. Pangarap ko pa noon makapagtrabaho sa iba’t-ibang bansa. Maging mayaman. Makapagpatayo ng magarbong tirahan. Kasing taas ng mga building sa Makati ang pangarap ko noon. Pero ni basong pinag-inuman mula sa Starbucks ay di man lang ako nakahawak.

Ang pamilyang pinanggalingan ko ay tinawag na uring Anakpawis. Isang uri na humila sakin para ako ay maorganisa at mamulat. Sa loob lang ng ilang buwan. Dahan-dahang nag-iiba ang mga pananaw ko sa mundo, sa tao, sa lipunan. Hanggang sa lansangan na ang nagsilbi kong tirahan at ang mga salitang ‘kalayaan’, ‘demokrasya’, ‘pakikibaka’ ang karaniwang laman ng aking sikmura. Ako na dating estudyante, na mas piniling paglingkuran ang sambayanan kaysa sa silid-aralan. Nangarap makapag-organisa sa kanayunan. Mamuhay ng simple. Manirahan sa piling ng mga masa. Kasing taas ng kabundukan ng Sierra Madre ang mga pangarap kong ‘yon. Pero ni simpleng pag-aalala mula sa’king mga magulang ay di ko man lang natugunan.

Dalawamput-dalawang taong gulang ako nang magpasya akong humiwalay sa pamilya at mamuhay kapiling ang mga masang-api. Nakidigma para sa interes ng mayoryang napagsasamantalahan sa kanayunan. Nakibaka para sa pambansang demokrasya. Sa kalayaan. Minahal ang sambayanan pero hindi naramdaman ng sarili kong mga magulang. Mas maraming natamong tagumpay kaysa pagkabigo. At mas marami ding panahong lumipas na di ko nahaplos ang likod ng nanay ko sa tuwing sya’y inuubo. Nagkakasakit na dahil sa pag-aalala sa kanyang anak.

Dekada din ang dumaan..

Napa sa kamay na natin ang pampulitikang kapangyarihan. Tagumpay na tayo. Malaya na ang sambayanan. Limang taon din akong kumilos. Halos limang taon din akong sumigaw sa lansangan. Limang taon din akong nag-aalay ng dugo’t pawis, sakripisyo para sa sambayanan. Para sa Rebolusyon. Para sa masa. At sa limang taon na ‘yon, kung kailan patay na ang mga magulang ko, saka ko lang napagnilay-nilayan… Sila nanay at tatay, oo nga pala, walang pinag-iba sa pinagsilbihan kong mga masa. Ang pamilyang minsan kong iniwan, oo nga pala, bahagi din ng sambayanang minsan kong pinaglaban.


Mundo sa loob ng Monitor

Sa wakas. Para bang dekada ang dumaan na di ako nakapaghain ng bagong putahe dito sa bahay ko sa kadahilanang bisibisihan sa totoong mundo. Pero magkaalaman na, alibi ko lang talaga yon. Ilang sachet na ng 3-in-1 ang pinapak ko, halos matunaw na ang monitor kakatitig ko dito gabi-gabi, at ilang pancit at sampaguita na ang naialay ko sa harap ng computer tuwing alas dose ng gabi pero wala ako ni isang letrang naipost sa loob ng ilang linggo. Hindi ko alam kung tigang na ang utak ko o mas nawiwili lang talaga ako mangapitbahay at mamboso ng post ng may post. Dati, mga kapitbahay ko lang ang madalas ko tambayan, pero ngayon kung saan-saang street na ng wordpress ako napapadpad. Sa madaling sabi madalas bukas ang bahay ko pero madalas din akong wala dito. Nasa kabilang kanto lang naman ako, kundi tumatagay e nakikitsismis kung sino na ang buntis. At kulang ang isang araw para maenjoy ang paglalakbay sa mga mahaharot na kaisipan ng mga kapwa ko pinoy wpblogger. Kaya wag ka na magtaka kung minsang mapadpad ka dito sa bahay ko at makita mong maagiw ang sulok-sulok. Matityempuhan mo na lang ang mga iniwan kong bakas ng tsinelas sa mga bahay-bahay na madalas mo ding tambayan.

Napakabilis nga talaga ng innovation sa teknolohiyang likha ng tao. Sadyang sumasabay sa pangangailangan natin. Kaya lang di ko alam kung sa pag usad ng panahon alin sa dalawa, luxury o necessity, na nga ba ‘mas’ nagsisilbi ang pag unlad ng teki. Panahon kung saan sinasamba pa sina Tirso at Nora, wala pa ata sa bokabolaryo ng mga noypi ang ‘LOL, WTF, IMBA, CHARCHAR, BTW, NASL, CPP, NPA, NDF. 😆 Bilang lang sa daliri ang mga taon o dekadang dumaan, presto! Facebook, Plurk, Twitter at kung anu-ano pang mga social networking sites ang naglipana sa cyberspace para itanim sa utak natin na ang pakikisalamuha at pakikipagkamayan sa isang tao ay maaaring katumbas na lang ng pagtipa sa keyboard. Teka, nakalimutan ko, nagi-exist pa pala ang Friendster. At naalala ko yung sabi ng propesor ko dati na imposibleng magkaroon ang isang indibidwal ng libo-libong “kaibigan”. Sa madaling sabi, sa mga social networking sites lang posibleng magawa yun. Teknolohiya nga naman. Napakahusay at napakaprogresibo ang nagagawang tulong na umaabot na sa puntong inaalis na nito ang esensya ng pakikipagkapwa. Ganon kahusay ang WorldWideWeb. Para bang yung movie na “Surrogates”. Imagine na lang na majority na ng mga tao sa mundo ay nagkukulong na lang sa loob ng kani-kanilang bahay at nakaupo sa isang makina habang kinokontrol na lang nila ang kani-kanilang mga ‘puppet’ para mamuhay sa labas at makisalamuha sa mga kapwa nila ‘puppet’.

Ito ang cyberspace. Kung saan daynamiko at makulay ang interaksyon ng mga Netizens. Marami kang makakadaupang-palad pero di mo tiyak ang kanilang itsura’t personal na pagkatao. Marami kang makakakwentuhan pero di mo madadama ng husto ang emosyong kalakip ng bawat pangungusap. Marami kang mapupulot. Nasa sayo na kung babaliwalain mo ito o susuriin.

O, pano…maiwan muna kita. Tambay lang muna ko sa kabilang kanto.


Midnight Mayday

Nocturnal. Walang binatbat ang pusa namin kung magpapaligsahan kami sa puyatan. Gising nga siya paggabi, siesta naman pag-araw. E, ako, wala lagi sa tamang adjustment ang biological clock ng katawan ko. Ang resulta, pagkakamalan mo ‘kong si Pepe Smith. Rock On! Mas trip lang ata maglaro ng mga brain cells ko ‘pag hating gabi. Sa mga oras na yon nagsisiksikan sa utak ko ang mga alulong ng mga maliligalig na ideya. Para bang gusto nila kumawala, mag-anyong letra at bumuo ng mga salita. Sa puntong yon ako mahahalina na umupo sa harap ng computer, buksan ang MS-Word at mahigit kalahating oras kong tititigan ang blangkong page saka ko maiisipang patayin na lang at magtimpla na lang ng kape. Sa ganoong paraan ko nababalikan ang nakasanayan. Nowtbuk + Bolpen + Kape = Aybags.

nowtbuk + bolpen + kape = aybags

Minsan, may tanong akong nabasa sa isang libro. Ano ang isang bagay na gustong-gusto mong gawin na pag di mo nagagawa ay ikakamatay mo?


Sleeping Beauty (and the seven drugs)

Totoo na nga pala talagang may mga zombies dito sa Pinas. Malamang noon pa sila naglipana. Panahon kung saan unang na-virus ang lipunan hanggang sa nagkahawa-hawa na ang mga tao at unti-unti nang dumami ang mga naglalakad ng tulog at nagtutulog-tulugan. Ang problema pa, andiyan lang sila sa paligid, pwedeng kapitbahay mo, kaopisina o kaklase at kung hindi malakas ang resistensya ng karne diyan sa pagitan ng tenga mo dahil sa di mapanuring isip e di magtatagal isa ka na ding zombie na nabubuhay lang para makakain ng kapwa laman. Pero kahit papano, may mga nagigising pa din naman. At pilit na ginagamot ang lumalalang sakit ng lipunan.

Sa paanong paraan mo gigisingin ang taong nagtutulog-tulugan?


Pandora’s Box

Lyrics na lang ang kulang at makakalikha na ako ng isang ethnic song na walang ibang gamit na background instrument kundi ang malakas na paghilik ng kuya ko na nagkakaroon na ng tono sa himbing ng kanyang pagkakatulog. Tulog na talaga sila at ako na lang ang gising bukod sa mga nagkakantahang mga kuliglig at ipis na nagtayo ng komunidad sa mga sulok-sulok ng bahay namin.

Pasado ala una…

At ayaw lang naman ako patulugin nitong si Immanuel Kant at ng kanyang mga hardcore philosophical literary piece tungkol sa ‘Genuine Morality’ na kailangan kong paglaanan ng pagsusunog ng kilay at pagkuskos ng libag. Simple lang naman kailangan kong gawin. Pasasakitin ko lang ang ulo ko sa pagintindi ng mga radikal niyang pilosopiya at gagawan yon ng isang analysis. At bago yon e sasailalim muna ako sa isang ritwal. Matapos ko magbasa ay bubuksan ko ang computer at magpapatukso na maglaro muna ng ZombieShooter at pag natauhan na ko na kinabukasan na pala ang pasahan nitong paper, e saka ko lang ihihinto. Saka ko lang bubuksan ang MSword at mahigit kalahating oras kong tititigan ang monitor bago ko mai-type ang mga salitang:

According to him, man should act only on that maxim through which he can at the same time will that it should become a universal law.

kelan mo ba nalaman at sino ang nagsabi sayo na ang pagsisinungaling at pagsuot ng underwear sa ulo ay parehong mali? Sino nga ba ang nagdidikta ng moralidad ng isang tao? Diyos? Lipunan? o si Panday?


Mga Naglalarong Laway sa Bibig ng Tagayang Baso

Isang oras at apatnapung minuto bago mag-december 25, dalawang katropa pa ang dadaanan bago mapunta sa akin ang pagikot ng tagay. Bukod sa mga batang kumakain ng paputok, mga halo-halong ingay ang karamihan sa mga nagpapasigla sa gabi at kasabay ng pagkumpas ng mga paa ko sa tugtugang punk-disco na yumayanig sa kabilang bahay, inaaliw ko ang sarili ko sa pagnguya ng greenpeas habang nakikipagdiskurso sa mga kainuman. Tawanan, tablahan at harutan.

Ibang level talaga ang pwedeng maging trip pag nagsimula nang gumapang sa mga ugat mo ang espiritu ng alak. Kaya mong marating ang isang malayong kalawakan, lumutang sa hangin at sumayaw nang walang kapaguran.

“In wine, there is a truth.” Di ko maalala kung saan ko narinig ‘yan at kung sinong tomador ba nagsabi nyan. At kung hindi natin nanamnamin e walang bumbilyang iilaw sa tuktok ng ulo natin. May kalaliman pero kung sasalaminan mo ng ideyang pilosopikal, dun mo matatanto na may mga katotohanang nakalibing sa mga tinuturing na kahibangan. Hindi masarap ang alak kumpara sa paborito mong orange juice. Pero para bang alak ang humahalina sa isang grupo ng mga tao na magkumpulan, pagitnaan ang isang maliit na lamesa na may nakapatong na isang platong inihaw na bangus at isang basong sawsawan. Hindi masarap ang alak kumpara sa mountain dew na madalas mong bilihin sa canteen. Pero para bang alak ang umaakbay sa balikat ng mga taong may mabibigat na problema. Hindi din masarap ang alak kumpara sa shake na pampalamig mo tuwing tanghalian. Pero para bang alak ang dahilan kung bakit nagiging Katrina Halili sa paningin mo ang kapitbahay mong amazona. At hindi din masarap ang alak kumpara sa mainit na kapeng may kapartner na biskotso. Pero bakit para bang alak ang nagpapasigla sa kwentuhan ng isang barkada.

Gaya ng isang malupet na body slam sa saliw ng dagungdong ng drumbeats sa isang tugtugang Metal, may mga bagay na minsan e kailangang gamitan ng panyuyog para maibulalas. May mga kinikimkim kang mga bagay-bagay na nagyelo na sayong kalooban na kailangan ng ibayong init ng alak para matunaw at maisiwalat.

Nakasakay ako ngayon sa isang karawahe hila ng mga pulang kabayo. Lumilipad at nakikipagkarerahan sa mga usa ni Santa Claus.

Tagay muna…


Boulevard of Strangers

Isa akong byahero, at isa ako sa mga nilalang na naging libangan na ang pagabot ng bayad sa jeep at paglasap ng vetsin na hinaluan ng mani pag nasa bus. Apat na araw sa isang linggo, apat na linggo sa isang buwan, ibat-ibang pagmumukha, magkakahalintulad na karanasan.

First stop…

Si manong na nakaupo sa may bungad ng jeep. Bakas sa kanyang inubang buhok at nangungulubot niyang mukha ang kasaysayan ng kanyang buhay. Ang nanunuyo niyang balat at maugat na mga kamay na bumuhat ng maraming responsibilidad. Di din maikakaila na ang tangan niyang nilumang kasuotan ay naging saksi sa kasaysayan ng bansa, kamisetang may batik-batik, kinupas na maong at nauupod na sandalyas, ilan lang yon sa mga naging pananggalang niya sa pakikibaka noong panahon ng martial-law. Ilang taong paghihintay ng pagbabago…maabutan niya pa kaya ang panahon na yon?

Sa gawing kanan naman, kahanay ng drayber, isang ulirang ama na mukhang hapong-hapo sa buong araw na pagtatrabaho. Kapalit ang isang kilong bigas at ilang pirasong talong at isda na nakasilid sa supot na bitbit niya sa kanyang kanang kamay, tipikal na hapunang pagsasaluhan ng kanyang pamilya paguwi niya. May pasalubong siyang malungkot na balita sa asawa niya…bukas, kailangan na niyang maghanap ng panibagong trabaho. Makahanap kaya agad siya?

Sa harapan niya, isang matabang nanay katabi ang kanyang anak na lalaki na arawan niyang sinusundo mula sa eskwelahan tuwing ala sais ng hapon at di uuwi ng bahay na walang nginangasab na Darna Crackers kapartner ang buko juice na kanyang inumin kasabay sa pagagos sa labi ng kanyang sipon. Pangarap ni nanay na maging pari itong panganay niyang si Pengpeng, ang problema e sa edad na siyam na taong gulang tila ba dasal na kung iusal niya ang mga katagang ‘putang ina’ sa tuwing nababanas siya sa kanyang mga kalaro. Di kaya mas bagay sa kanya maging pulitiko balang araw?

Panay naman ang pagsayaw ng hinlalaki ng lalaking ito sa keypad ng kanyang mamahaling cellphone at minuminuto ang paglapat nito sa kanyang kanang tenga na para bang di niya makontak ang manggagantso niyang kliyente. Suot ang plantsadong long sleeve na kulay bughaw na nakailalim sa pantalon niyang naghihimulmol, mainam siyang nakaupo katabi ang mag-ina habang nakakunot ang balat niya sa noo na nakikiayon sa mga hinlalaki niyang abala sa pagpindot ng kanyang cellphone.

Ano kaya ang propesyon niya? Masaya kaya siya sa trabaho niya?

Di din maiwasan ng atensyon ko na mapadapo sa mga katabi ko sa kaliwa; isang binatilyo’t dalagita na mukhang mga estudyante sa high school. Sa lagkit ng tinginan ng dalawa at sa payat na braso ni totoy na nakalingkis sa baywang ni nene, di maiikakailang mainit ang relasyon ng dalawa. Pasimple kung umiskor itong si totoy na pakipot pang sinasaway ni nene. Marami silang natutunan sa Biology class nila kanina, aliw na aliw sila sa paksang reproductive system at kung paano napupunlaan ni lalaki ang lupa sa bakuran ni babae. Tapos na ang klase para sa araw na yon, pero sinasabi ng mga ngiti nila na mayroon pa silang ibang pupuntahan bago umuwi sa kanilang bahay.

Bayad ho…

Siyam kaming nasa jeep na may sari-sariling mundo. At ako…nakaupo sa harap katabi ng drayber, taimtim na pinagmamasdan ang mga eksenang nadadaanan sa kalsada. Nagbabasa ng mga kwentong nakasulat sa itsura ng mga tao sa loob at labas ng sasakyan. Sa mga hugis at linyang gumuguhit sa kanilang mukha makikita kung gaano na kalayo ang napagdaanan na nilang byahe, mga sarili nilang nobela na sila mismo ang may likha at mga kasaysayang nanunuot sa kanilang balat kapiling ng kanilang libag. Bawat itsura ay may magkakauganay na istorya at nabubuo ang mundo dahil sa kapangyarihan ng isang simpleng kwento.

…gaya nga ng sabi nila na ang buhay ay isang mahabang byahe. Kung di mo alam ang pupuntahan mo, ‘wag mo kalimutang magbaon ng mapa at ekstrang pera.

…ako? malayo pa byahe ko.

Gusto mo sumama? (^_*)