…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

reposts

Little Mr.Greyhound

Heto na naman si Puloy, muling binabagtas ang kahabaan ng mausok at walang pahingang kalsada ng Aurora. Patungo kung saan makakapulot ng swerte. Sumpang naging habitwal sa mura niyang edad. Ang usok mula sa mga sasakyan ang tangi niyang pabango sa katawan, ang mga ingay ng kalsada ang kanyang musika at tanging lansangan ang nakagisnan niyang palaruan. Lahat ng ‘yon ay tinuturing niyang palamuti sa paulit-ulit na pagikot ng kanyang malamig na mundo. Araw-araw, mula umaga hanggang gabi ang kanyang byahe sa iisang ruta lamang para maghagilap ng panglaman-tiyan. Tinatahak niya mula Aurora hanggang kalsada ng Legarda para abangan ang mga nakakatakam na tira-tirang putahe’t panghimagas mula sa mga resto at fast food na kanyang nadadaanan. Sa maghapon, samu’t-saring mga nilalang ang kanyang nakakasalubong at minsa’y nakakasalamuha. Mga taong dedma sa mga tulad niyang walang umaari kaya’t naging palaboy, mga taong tinuturing na salot ang kanyang uri na minsa’y gumagamit ng dahas para siya’y maitaboy palayo. Meron din naman siyang mga katropa, mga kawangis niya na madalas niyang makadaupang-palad sa lansangan at makajamming sa hapagkainan. Di nila alintana ang panganib sa pakikipagpatintero kalaro ang mga humahagibis na mga sasakyan sa kalsada.

Isang gabi ng Martes, isang sandali kung saan abalang-abala ang lansangan sa mga dagsang sasakyan at mga taong papauwi mula sa kanilang pinanggalingan, halo-halong ingay ng iba’t-ibang nilalang, maruming usok mula sa mga pampasaherong jeep na humalo sa hangin at sumakop sa kapaligiran, at iba’t-ibang kulay at kutitap ng mga ilaw mula sa mga establisyimento na sumasayaw at nagpapabuhay sa mumunting palaruan ni Puloy. Heto siya’t katatapos lang mag-dinner ng tira-tirang paelya con pabo sa isang magarbong grill&resto sa kahabaan ng Magsaysay blvrd. Naghahanap na siya ng masisiestahan para sa pansamantala niyang pagiwan sa mausok niyang mundo. Napansin niyang madalang na ang pagdaan ng mga sasakyan kaya’t tyumempo siya sa pagtawid sa kabilang kalsada. Umarangkada na siya sa pagtawid nang marinig niya ang isa sa mga kinahumalingan niyang musika. Iisang ritmo ang tunog, walang melodiya at katono ng isang malakas na busina ng isang humahagibis na truck. Napalingon si Puloy sa kanyang kanan. Isang nakakasilaw na liwanag ang papalapit na tila nagsasabing tuluyan na niyang iiwan ang nakagisnan niyang mundo. Sa pakiramdam niya’y tinabunan siya ng nakakasilaw na liwanag. Dagling dumilim ang kanyang paningin at nablangko ang kanyang ulirat.

Heto na si Puloy, lapat at plastado sa kalsada, nakahandusay habang kasiping ang sariling dugo at mga laman-loob na nagkalat na parang taho. Luwa ang bituka’t sumirit ang paelya con pabo.

Heto na si Puloy, maya-maya lang aasikasuhin na ng MMDA ang kanyang bangkay.

Kawawang si Puloy, walang tagapagalaga, pinabayaan ng kanyang walang pusong amo, kasuklam-suklam para sa mga tulad niyang palaboy na aso..

Advertisements