…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

roasted poetry

Sa mga Martir na Kamote sa Kanayunan

Pula ang sinag ng buwan
Na nagpapaalab sa liwanag ng minimithing araw
Gabay mo sa pagtahak
Sa kasukalan ng inyong teritoryo
Alerto sa kada hakbang
Dulo ng sandata, tuwina’y nakaumang
Tangan ang mapamuksang mahaba
Proteksyon
Sa isang operasyong pagpapalaya
Nilisan mo ang kapatagan
Sa kabundukan pinanday ang kapalaran
Sa kanayunan isinapraktika
Ang dinidikta ng pusong
Sa kontradiksyon hinulma
Anong tindi ng bigat nang isakripisyo
Ang nakapanlulumong luha ng iyong magulang
Alang-alang sa kapakanan ng inang bayan
Pinili mo pa ding mahaluan
Ang gatas sa ‘yong mga labi
Ng pulbura ng bala sa ‘yong mga kamay
Nakibaka’t ipinaglaban ang pulang linya
Sa likod mo ay ang batalyong masa
Sa labanan, kakampi mo ang hubog ng kalupaan
Sa kagubata’y kasangga mo ang mga puno
Sa kalamigan ng gabi’y papag sa iyo ang mga damo
Sa digmang bayan
Katuwang mo mga karit at maso

At sa ‘yong pagpanaw

Kasama ka bawat umagang ngumingiti ang araw
Kasama ka sa pagbuhos ng ulan
Kasama ka sa tunay na panalangin
At higit sa lahat
Kasama ka hanggang sa tagumpay
Ng lupang masikhay mong ipinaglaban
Na minsang nadiligan
Ng ‘yong dugong Makabayan

Gaano pa nga ba kadami ang mga dugong maaaring pumatak
Nang ang Bayan ay makatindig sa sarili nitong pangyapak?


Ang Seremonya ni Pepe sa Kailaliman ng Gabi

Natapos ang kinahumalingang ritwal sa gabi
Ang paligid ay wala ng imik
At tanging langingit na lang ng bentilador
Ang tila musikang nagaaliw sa katahimikan

Nakasandal sa pader, bagsak ang balikat
Nakatingala sa kisame ngunit kalawakan ang tinatanaw
Naghihintay na sumpungin ng hikab
Kalauna’y antukin

Pero malabo ‘atang mangyari
Dahil sa gabihan niyang seremonya
Sa maagiw niyang kwartong
Tinuring niyang kapilya

Sa higaan niyang nagsisilbing pulpito
Sinasagawa ang mainit na pagsamba
Sa kapangyarihan ng pinulbos na bato
Napupunan ang pagnanasa

Ang apat na sulok ng kwarto
Tanging nakikinig sa kanyang homiliya
Maya’t-maya pa’y kanya na niyang binasbasan
Mga parapernalyang alay

Tangan ang tinuping palara sa ibabaw ng apoy
Ng gaserang tahimik na nagmamasid
Unti-unti niyang nararamdaman
Pag lutang sa kalawakan

Ang espirito ng puting bato
Usok na pamalit sa insenso
Sa bawat higop at buga
Nauusal, kanyang mga litanya

Ang bulong ng hangin sa paligid sa kanya’y sigaw
Ang paghinga ng ipis sa kanya’y bagyo
Nakikipagtitigan sa kanya ang isang daga sa sulok
Na sa ulirat niya’y isang halimaw

Wagas ang pagngatog na mga buto’t kasukasuhan
Nagpupulasan ang mga balahibo’t nahihintakutan
Hinihingal sa paghabol ng sariling hininga
Habang ang halimaw, papalapit sa kanyang kama
Nagkusang tumakbo ang mga paa
Papunta sa kalapit na bintana
Binuksan…
Maliliit na liwanag ang kumakaway sa kanya mula sa ibaba

Nakakalula…

Niyakap siya ng malamig na hangin sa taas ng kanyang kinalulugaran…

Nasa may paanan na niya pala ang halimaw na may dalawang ngipin…

Kumaripas siya sa may balkunahe at napaakyat…

Kinakawayan siya ng mga maliliit na liwanag sa ibaba
Matindi ang paghaplos sa kanya ng malamig na hangin
Bumagal ang ikot ng mundo
Habang siya’y bumubulusok paibaba…

Lumagapak…

…siya sa sahig mula sa kanyang kama naalimpungatan
At agad siyang napabangon

Tanghali na pala…


Ms. Thursday

Nagsasalimbayan sa isang sulok ng kanyang diwa

Tila siya’y monologong nagtatanghal sa entablado

Pagpatak ng araw na yo’y ritwal niyang sinasariwa

Ang mga samu’t-saring maliligalig na elemento

Nilulukuban ng mga magkakahalong pakiramdam

Nabablangko ang mukha’t napupuno ang kalooban

Binubuhusan ng mga malalamig at maligamgam

Tumutupi ang dila’t sumisigaw sa ka’laliman

At siya lang ang nakakaalam ng tunay na dahilan

Pagsapit ng huwebes, nagiiba ang kapaligiran

Minsan mata’y umuulan malimit kung magkislapan

Ikinukubli sa pagbanat ng kanyang mga labi

Para ang mapuna’y isang nakakatunaw na ngiti

Ikinukulong ng tao ang sarili niya

Sa isang ilusyong siya mismo ang lumilikha

Di niya ito magawang takasan

Dahil kakaiba ang dulot nito sa kanya

Dahil ito lang ang paraan niya

Para masulyapan muli ang mga bagay na nawala na sa kanya.


Ebanghelyo ng mga Isdang Kumakaway

Sino nga ba ang naniniwala na kaya niyang maglakbay sa kalawakan?

Baliktarin ang ikot ng mundo’t maging hari ng buwan?

Sinong nakakasigurado na ang tao’y di pwedeng makalipad?

Maglakad sa ibabaw ng tubig, sumisid sa apoy nang hubo’t hubad?

Ano nga naman ang nalalaman ko,

E, sa sobrang laki nitong mundo, para lang akong garapatang nakakapit sa aso.

Gaano nga ba kaganda ang mukha ng sinasabi nating Diyos?

Gaano ba kabango ang paboritong yosi ng sinasabi nating satanas?

Magkano ba ang pamasahe byaheng langit? Estudyante?

May fire exit ba sa impiyerno? Pano kung emergency?

Hindi nga natin alam kung ang kangkong ay posibleng mamunga ng guyabano,

At ang kabayo’y manganak ng koneho….bakit hindi?

Ano nga naman ang nalalaman ko,

E, pagkalaki-laki nitong mundo,

Posible bang maging posible ang isang imposible?

Heto pa!

Sabi ng lola ko ito ang tama, sabi ni inang ito ang tama, sabi ni amang ito mali,

Sabi ng kapitbahay kong lumpo ito ang dapat,

Anak ng pagong!!

Ano ba talaga?!

Amanin na lang natin na gabutil ng bigas lang ang ating nalalaman,

Para lang tayong garapatang namamahay sa balahibo ng aso,

at ang totoo,

E, sadyang pagkalaki-laki nitong mundo.