…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

Pinakahuli / Pinakabago

Midnight Mayday

Nocturnal. Walang binatbat ang pusa namin kung magpapaligsahan kami sa puyatan. Gising nga siya paggabi, siesta naman pag-araw. E, ako, wala lagi sa tamang adjustment ang biological clock ng katawan ko. Ang resulta, pagkakamalan mo ‘kong si Pepe Smith. Rock On! Mas trip lang ata maglaro ng mga brain cells ko ‘pag hating gabi. Sa mga oras na yon nagsisiksikan sa utak ko ang mga alulong ng mga maliligalig na ideya. Para bang gusto nila kumawala, mag-anyong letra at bumuo ng mga salita. Sa puntong yon ako mahahalina na umupo sa harap ng computer, buksan ang MS-Word at mahigit kalahating oras kong tititigan ang blangkong page saka ko maiisipang patayin na lang at magtimpla na lang ng kape. Sa ganoong paraan ko nababalikan ang nakasanayan. Nowtbuk + Bolpen + Kape = Aybags.

nowtbuk + bolpen + kape = aybags

Minsan, may tanong akong nabasa sa isang libro. Ano ang isang bagay na gustong-gusto mong gawin na pag di mo nagagawa ay ikakamatay mo?

PaExtra

Paano nga ba managinip ang taong pinanganak na bulag?

…penge nga ko ng kape at vics.

Nababato ko ngayon sa tambayan ko e.

Par..Uni..Pinas. (..wakas)

…na kung tawagin ay popcult. Isa ‘yong gamot na komposisyon ng mga sari-saring regulated drugs na pag napasobra sa katawan e magreresulta ng isang somnambulistic behavior, sa madaling sabi, mawawala ka sa sarili mo, kikilos ka nang wala sa isip, magiging bulag ka sa bawat desisyon mo at magiging sunod-sunuran ka na din sa kung ano ang ididikta sayo ng nakararami. Iyon ang plano ng admin. Gusto nilang maging pasibo ang mga estudyante,  pikit-matang sumunod sa anumang trip na ipapataw ng mga naghaharing uri para sa pansarili nilang ganansya. At iyon din ang dahilan kung bakit sa una pa lang ay mainit na ang dugo nila sa mga aktibista sa mga unibersidad. Gumagawa sila ng kultura na nagkukundisyon sa isip ng mga ibang estudyante na kapag naging aktibista ka ay ituturing kang kriminal, marahas, barbaro at hindi “daw” katanggap-tanggap sa lipunan. Ginagamit nila ang kaisipan na yon bilang psychological weapon. Ganon katalino ang admin, ganon kainutil ang mga mapagsamantala.”

Okupado pa din ang utak ko ng magkakahalong pagtataka, pagkagulat at mga question mark na kumukuti-kutitap sa ulunan ko. Sumandal ako sa kabinet para ma-relax at nagfeeling commercial model ng brief.

“…medyo nalalabuan pa ko pero kahit papano may naiintindihan ako sa mga sinabi mo. At yung sinasabi mong gamot na tinuturok nilang ano yun? ..Yakult?–”

popcult!“

“a, Oo..pucha! kung ganon pala kagarapal ang plano nila e magkakaroon at magkakaroon talaga ng dahas. Ginagamit nila ang edukasyon para kumapal ang mga pitaka nila.

“Ang tataas ng mga pinag-aralan pero halang pala ang kaluluwa. Tingin ko sinadya talaga nila gawing ganon ang sistema ng edukasyon, halos dalawang dekada kang magsusubsob sa pag-aaral para lang sa kapirasong papel na kung tawagin ay diploma, at pag nakakuha ka na non ay pwede ka nang magpaalila sa mga naglalakihang kompanya sa loob at labas ng bansa…pero ‘wag natin kalimutan, Alien ang tunay nating mga kalaban, gumbaga sa gameshow, sila yung nagi-sponsor para pumatok yung ratings ng mga yon at marami silang mauuto sa masa. Mahihirapan tayong kalabanin ang mga yon, kaya ang sa palagay kong mabisang solusyon ay hindi lang tayo lalaban gamit ang mga pinag-aralan, kailangan din nating gumamit ng pisikal na lakas.”

“..rebolusyon ba kamo?”

“sshh…dahan-dahan ka sa pagsasalita niyan baka ipadukot ka sa mga militar. Basta ang alam ko lang e napakalaking papel ang gagampanan ng mga estudyante para sa pagaayos ng sirang lipunan. Huwag nilang hayaang ang akademya nila sa eskwelahan ang sumira sa kanilang edukasyon.”

Magaala una y medya na ata ng tanghali non, walang kain-kain, kailangang magtago. Mainit ang diskusyunan at pagpaplano namin. Kailangang mag-ingat, malakas ang kapangyarihan ng kalaban. Si Del, tila abala sa pag kalap ng mga datos. Nang biglang may kumatok sa pintuan. Naalarma kaming tatlo’t nagkatinginan. Tila nagkaintindihan na huwag magsalita o gumawa ng anumang ingay. Lumakas pa ang katok na para bang nag-aalborotong Landlady na maniningil ng renta sa boarding-house. Dahan-dahan kaming gumapang papunta sa kanya-kanyang pagtataguan. Di ko maiwasang pagpawisan ng malamig at butil-butil habang nakasandal sa aparador. Inaantay na lang namin na tumalsik ang pinto at bumungad si Lizardo tsaka kami isa-isang gahasain. Walang mga Panday kids o Wonder Pets sa totoong buhay na pwede naming hingian ng tulong. May mga sitwasyon talaga na mas maaasahan mo pa din ang sarili mo. Maya’t-maya pa ay tumigil ang pagkatok. Binalot ng katahimikan ang kwarto. Nangungusap ang mga hininga namin. Naghahanap na ako ng matigas na bagay sa paligid ko na pwedeng ipanghambalos nang marinig namin ang biglang pagbasag sa salamin ng pintuan. Malulutong na kalansing ng mga bubog ang naging sound effects para sa climax ng eksena. Tatlo…dalawa…isa. May sumingaw na puting usok na di ko alam kung saan nanggaling. Mabilis itong kumalat at nung makaabot ito sa bungad pa lang ng ilong ko ay nakaramdam na ako ng pagkahilo. Pumuti na ang paligid at nagluluha na ang mga mata ko epekto ng usok, dahilan para di ko na malaman kung ano na ang nangyayari sa mga kasamahan ko. Pasuray-suray na ako nung mga sandaling yon at nakakaaninag ako ng mga anino na parang umaaligi-aligid sa kwarto. Kasabay noon ang mga malalakas na pagsabog na naririnig ko sa labas. Mga halo-halong sigaw, parang mga estudyanteng nagwawala. O tila mga estudyanteng naglulunsad ng rebolusyon. Kaliwa’t kanang pagputok at pagsabog. Pagsigaw at pagiyak. Ramdam ng mga paa ko ang pagyanig sa lupa. Dahan-dahan akong nauupos habang nakikita ko ang paligid kong sumasayaw. Lumagapak ako sa sahig at wala na kong maalala.

Unti-unti’t papalakas, may naririnig akong isang pamilyar na tunog. Hanggang sa sumusuot na sa tenga ko ang tunog ng intro ng kantang Careless Whisper. Napadilat ang mga mata ko at ang cellphone ko kagad ang una kong nakita na umaandap-andap ang ilaw sa saliw ng kantang Careless Whisper. Saka ko napagtanto ang lahat. Alas kwatro na ng umaga.

Lunes. Pasukan na naman at nagising akong bahagyang basa ang unan gawa ng panis na laway na tumagas mula sa dalisay na bukal ngaking bunganga.

Pulang Paaralan

mula sa taluktok, bumubulusok ang galit. Sumisigaw habang nasa ere’t tikom kamaong humihingi ng hustisya. Lalagapak sa semento’t aalingaw-ngaw ang mga pinaglalaban. Tumitipon sa ibaba’t magmimistulang bundok. Di kaigaigayang aura ang nakabungad, nagpapatunay ng paglaban.

simbolikong protesta

napaliligiran ng mga halo-halong nilalang. Sangayon at hindi, nagagalak at nadidismaya, aktibo at walang pakialam. Lahat sila’y may sari-sariling opinyon pero nakaliligtaan kung ano nga ba ang siyang esensya nitong marahas na demonstrasyon.

agitation level 2

hanggang sa napuno ang salop. Uminit ang paligid. Nasindihan ang mitsa. Nagbaga ang mga salitang isinisigaw. At sa pagkumpas ng mga nakabibinging hiyawan, nag alab ang pinaglalaban. Lumagablab ang apoy sa mga mata ng nagbabadyang rebolusyon. Kaanlisabay ng paginit ng kaganapan ang pagyanig ng kampo ng naghahari.

agitation level 3

at sa pagnginig ng kanilang mga tuhod, nagaamba pang gumanti sa ano mang paraan. Ngunit mukhang di patitinag ang mga kontra. Kahit pa ikulong sa selda, mga kasama nila’y patuloy sa pagdigma. Lumiliyab ang talas ng karit sa pagwasiwas. Dumadagundong ang bawat pukpok ng maso. Naguumpisa nang umarangkada ang batalyong masa para agawin ang sa kanila’y sapilitang kinuha.

Parepresyong Unibersidad ng Pilipinas (…pagpapatuloy)

…doon ako nawalan ng ulirat at naparalisa ang buo kong katawan. Dumilim ang buo kong paningin at ang pinakahuli kong naramdaman ay ang dahan-dahang pagtumba ng katawan ko pero hindi ko na naramdaman ang paglagapak. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa akin nung mga sandaling yon at kung sinong nilalang ang bumalahura sa ulo ko sa pagsaklob ng supot na amoy bagoong isda na kinulob sa medyas na gamit.
May yumugyog sa aking katawan na siyang dahilan ng pagkakagising ko. Medyo marahan pa ang pagdilat ng mga mata ko at may kalabuan pa ang aking mga nakikita. Ilang segundo muna ang lumipas bago ko maaninag ang isang mukha ng babae. Biglang dumaluhong at nagsalimbayan sa utak ko ang mga tanong na: ‘nasaan ako?’ ‘anong ginagawa ko dito?’ ‘anong nangyari sa akin?’ ‘kumain na ba ako?’ ‘may account kaya siya sa Facebook?’ ‘..at sino itong babaeng ito??’.
“ ui, kumusta pakiramdam mo?, ok ka na?”
Sa halip na magsalita ako ay pagkunot ng mga kilay ang naisagot ko sa kanya. Nagkatitigan pa kami mata sa mata pero walang kissing scene na nangyari gaya ng karaniwang kamaisan na napapanood sa mga koreanobela. Agad akong bumangon mula sa pagkakahiga at doon unti-unti kong naalala ang mga nangyari. Napatingin ako sa paligid at napagtanto ko na nasa isang class room ako na hindi ko alam kung saang parte ng building.
“ buti na lang natiyempohan ka namin kundi isa ka na ding somna..”
Napabaling ang atensyon ko sa nagsalita. Isang lalaki na di nalalayo ang edad sa akin ang nagtatali ang kapirasong tela sa hawak niyang dos-por-dos. Hindi lang pala kaming dalawa ng babaeng yon ang nasa kwarto. Tatlo kaming kapwa mga estudyante at tila ako lang ang walang kaalam-alam sa mga nangyayari.
“ nahuli ka kanina ng isang Impe, ginamitan ka niya ng pampatulog…buti na lang nagkataon na lumabas ‘tong si Mong, ayun, tahimik niyang nilapitan yung Impe, ginamitan niya ng isang malupet na taijutsu, nadisarmahan, ayun! Bagsak..kami na ang nagdala sayo dito.” biglang sabat ng babae at napatingin uli ako sa kanya. Doon na ako nagtangkang magtanong.
“ teka, ano bang nangyayari dito?” maangas kong tanong habang lumalaki ang butas ng ilong ko.
“ a, o nga pala, sige ipapaliwanag ko…nga pala, ako si Mong, 3rd year ng Socio, siya si Del, classmate ko. Sasabihin ko na sayo, hindi kapanipaniwala ang mga ikukwento ko, pero ito talaga ang kasalukuyang nangyayari di lang sa pamantasan natin kundi pati na sa lipunan natin. Ilang buwan na namin ‘tong pinagaaralan at iniimbestigahan at tama ang teorya namin. Matagal nang may mga Alien dito mismo sa Pinas! At hindi lang yon men, sa mga state universities pa gaya nito ang napili nilang breeding ground!”
“ lang ‘ya! Adik ba kayo? O impluwensyado lang kayo ng mga komiks ni Carlo J. Caparas?”
“ sabi ko nga sayo, hindi kapanipaniwala, pero makinig ka muna sa akin..ok?. So, hanggang sa ‘eto na nga ‘tong araw na ‘to. Ilang oras lang ang nakakalipas, pinatipon ng Admin ang lahat na mga estudyanteng sa Gym. Ayon na nga, nagtataka kami kung anong meron. Nung nasa Gym na kaming lahat, may nagsara ng parehong entrance at exit na parang kinandado pa. Tapos non, maya’t-maya e may sumingaw na usok galing sa gilid tsaka sa mga sulok! Bullshit men! Naalarma kaming lahat! E, di yun na nga, pucha! Kanya-kanya kaming takip ng ilong, pulasan, parang stampede sa wowowee! Buti na lang ‘tong si Del nakakita ng maliit na silong palabas sa may bench, ayun, tangina pinagkasya namin katawan namin! Pagkalabas, takbo kagad kami papuntang main building para makapagtago…kaya dito kami napadpad ngayon.
“ anak ng kulani! Ginawa ng Admin yun??”
“ oo tsong! At ‘eto ang dahilan…sa pagmamatyag namin, napagalaman namin na nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng mga Alien! Sunod-sunuran! Puppet! Tuta ng mga imperyalistang Alien… ngayon, ‘eto na ang ginawa nila sa mga estudyanteng nakatulog sa Gym dahil sa usok, tinuturukan nila ang mga estudyanteng ito ng isang kemikal na kung tawagin ay… (–itutuloy..)

Parepresyong Unibersidad ng Pilipinas

Hindi naman wet dreams, pero nagising ako ng alas kwatro ng madaling araw na bahagyang basa ang unan gawa ng panis na laway na tumagas mula sa dalisay na bukal ng aking bunganga. Lunes na naman, himalang nagising ako ng maaga nang hindi napapaos ang cellphone ko sa pag-alarm. Pero tulad pa din ng dati, binubulyawan pa din ako ng isip ko na kailangan ko nang bumangon, pero normal na sa mga katulad ko na pagunang gising e ilang ‘five-minutes’ muna ang lilipas bago tuluyang babangon. Humigit dalawang oras ang ginugol ko sa pagaasikaso sa sarili ko, ligo, kain, bihis at ang pinakamatagal, ang pagaayos ng buhok na talo pa ang baklang nagpa-semi kalbo sa adik. Nakakapawis na ng kili-kili ang sikat ng araw ng makaalis ako sa bahay, alas siete at ang oras ng klase ko ay alas otso y medya, dalawang oras ang byahe ko at habang nagaantay ng masasakyan ay nai-imagine ko ang isang pink na class card na sa likuran ay tadtad ng mga maliliit at patayong linya na katumbas ng salitang ‘late’. Pinara ko ang isang jeep na puno na pala ng pasahero pero ang kundoktor nitong nagmistulang tindahan ng hikaw ang mukha e sige pa rin ang pagkumbinsi sa akin na may mauupuan pa. Nakaupo naman ako pero para akong nagsasanay ng kung-fu sa posisyon ko na tigkalahating pisngi lang ng puwetan ko ang nakalapat.
Jeep, bus, jeep. Araw- araw, sa loob ng dalawang oras na byahe, isa na sa mga sangkap ng pabango ko ang usok mula sa mga sasakyan habang soundtrip naman ang mga nakakarinding busina. Di na din mabilang ang tono ng pananalita ang nailapat ko sa mga katagang ‘bayad ho, cubao, estudyante’ sa tuwing sasampa ako sa sasakyan. At halos sanay na ako makipaggitgitan at sumakay sa mga sasakyang nasa loob ang tambutso. Ang resulta, dadating ako sa iskul na amoy talyer at pawisan ang singit. Halos walang pinagiba ang karanasan na yon sa mga nauna maliban nang dumating na ako sa pinapasukan kong unibersidad magaalas nuwebe na ng umaga.
Papalapit na ako sa entrance gate at para akong namimili sa ukay-ukay sa paghahalungkat ko sa bag ko para kunin ang gate pass na tinatawag nilang ID. Nakakatawa dahil ang mga legal na estudyante dito na walang maipakitang ID pagpapasok e sumasailalim muna sa isang masinsinang interogasyon ng mga guard, para bang mga terorista kung ituring. Pero kapag mga bisita naman ang papasok at walang maipakitang valid ID, kahit sabihin mo lang sa mga guard na magpapahangin ka lang sa loob e papapasukin ka na. Kung sino pa yung dayuhan, sila pa yung mas binibigyan ng prebelehiyo na magpasok ng bomba. Nakapasok na ako sa loob ng mailabas ko ang ID ko at doon ko lang napansin na wala pala niisa man lang na guard na nagbabantay. Dahan-dahang bumagal ang lakad ko habang nililingon ang bandang kanan at kaliwa, bahagyang pang pumihit ang ulo ko para masulyapan ang paligid. Isang malaking ‘question mark’ ang lumitaw sa ulo ko kasabay ng pagsasalubong ng dalawa kong kilay. Sa abot ng mga natanaw ko e walang dudang ako lang ang nilalang sa mga oras na yon. Kakaiba ang pakiramdam dahil first time ko masilayan ang eskwelahan ko na ganon katahimik, ako lang ang tao at parang ang sarap sumigaw. Naglakad pa ako ng ilang metro palayo sa gate. Tanging mga lagaslas ng mga dahon at maliligalig na hangin ang naririnig ng tenga ko habang binabaybay ko ang waiting shed. Nasapawan ang pagod ko sa byahe ng pagtataka kung anong kababalaghan ang nangyari o kung anong klaseng program ang pinagdiriwang ng campus at parang sinadyang di ipaalam sa akin. Para nga akong nasa isang tipikal na zombie-suspense film, alertong naglalakad at sobrang tahimik ng paligid, biglang bubulaga ang isang matabang zombie na naka-costume ng uniporme pang security guard, naaagnas at naglalaway ng dugo. Sabay magbabaklas ng mukha na prosthetic lang pala at tatambad ang mukha ni Michael V. Sabay sigaw ng ‘Yari Ka!’. Pero imahinasyon ko lang naman yon. Sinusulit ko na agad ang sarap ng kakaibang aura ng paligid dahil baka sa isip-isip ko e nasa conference room lang lahat ng tao para sa kakaibang power-trip o programa ng admin at pagtapos e maglalabasan uli at doon muling babalik ang pangkaraniwang itsura ng eskwelahan. Pero sa kasawiang palad, imahinasyon ko lang pala uli yon. Nasa direksyon na ako patungong main building nang may maaninag akong isang hugis tao na nakatayo sa tabi ng plant box kung saan ilang dipa lang ang pagitan sa papasukan kong hall. Luminga-linga uli ako sa paligid bago muling ituon ang atensyon sa nakita. Ilang sigundo muna bago ko matanto na wala na pala akong inaaninag. Hindi ko alam kung guni-guni o nasobrahan lang ako sa panonood ng Darna, basta bigla na lang nawala. Nakatuntong na ako sa entrada ng hall at nakumbinsi ko na kaagad ang sarili ko na guni-guni ko lang ang nakita ko. Naglalakad ako nang nakatingin sa sahig at nakayuko ng kaunti, swabe lang ang pagliko ko sa kanan nang maalarma ako sa isang nakaitim na nilalang sa harapan ang mabubunggo ko na sa pagkakayuko ko e ibabang parte lang ng katawan niya ang nakita ko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at nakaramdam ako ng magkahalong takot at constipation. Nakaramdam din ako ng mahinang boltahe ng kuryente na bumalot sa katawan ko sabay may sumaklob ng mabahong plastic sa ulo ko, doon ako nawalan ng ulirat at….   (–itutuloy..)

Sleeping Beauty (and the seven drugs)

Totoo na nga pala talagang may mga zombies dito sa Pinas. Malamang noon pa sila naglipana. Panahon kung saan unang na-virus ang lipunan hanggang sa nagkahawa-hawa na ang mga tao at unti-unti nang dumami ang mga naglalakad ng tulog at nagtutulog-tulugan. Ang problema pa, andiyan lang sila sa paligid, pwedeng kapitbahay mo, kaopisina o kaklase at kung hindi malakas ang resistensya ng karne diyan sa pagitan ng tenga mo dahil sa di mapanuring isip e di magtatagal isa ka na ding zombie na nabubuhay lang para makakain ng kapwa laman. Pero kahit papano, may mga nagigising pa din naman. At pilit na ginagamot ang lumalalang sakit ng lipunan.

Sa paanong paraan mo gigisingin ang taong nagtutulog-tulugan?

Ang Seremonya ni Pepe sa Kailaliman ng Gabi

Natapos ang kinahumalingang ritwal sa gabi
Ang paligid ay wala ng imik
At tanging langingit na lang ng bentilador
Ang tila musikang nagaaliw sa katahimikan

Nakasandal sa pader, bagsak ang balikat
Nakatingala sa kisame ngunit kalawakan ang tinatanaw
Naghihintay na sumpungin ng hikab
Kalauna’y antukin

Pero malabo ‘atang mangyari
Dahil sa gabihan niyang seremonya
Sa maagiw niyang kwartong
Tinuring niyang kapilya

Sa higaan niyang nagsisilbing pulpito
Sinasagawa ang mainit na pagsamba
Sa kapangyarihan ng pinulbos na bato
Napupunan ang pagnanasa

Ang apat na sulok ng kwarto
Tanging nakikinig sa kanyang homiliya
Maya’t-maya pa’y kanya na niyang binasbasan
Mga parapernalyang alay

Tangan ang tinuping palara sa ibabaw ng apoy
Ng gaserang tahimik na nagmamasid
Unti-unti niyang nararamdaman
Pag lutang sa kalawakan

Ang espirito ng puting bato
Usok na pamalit sa insenso
Sa bawat higop at buga
Nauusal, kanyang mga litanya

Ang bulong ng hangin sa paligid sa kanya’y sigaw
Ang paghinga ng ipis sa kanya’y bagyo
Nakikipagtitigan sa kanya ang isang daga sa sulok
Na sa ulirat niya’y isang halimaw

Wagas ang pagngatog na mga buto’t kasukasuhan
Nagpupulasan ang mga balahibo’t nahihintakutan
Hinihingal sa paghabol ng sariling hininga
Habang ang halimaw, papalapit sa kanyang kama
Nagkusang tumakbo ang mga paa
Papunta sa kalapit na bintana
Binuksan…
Maliliit na liwanag ang kumakaway sa kanya mula sa ibaba

Nakakalula…

Niyakap siya ng malamig na hangin sa taas ng kanyang kinalulugaran…

Nasa may paanan na niya pala ang halimaw na may dalawang ngipin…

Kumaripas siya sa may balkunahe at napaakyat…

Kinakawayan siya ng mga maliliit na liwanag sa ibaba
Matindi ang paghaplos sa kanya ng malamig na hangin
Bumagal ang ikot ng mundo
Habang siya’y bumubulusok paibaba…

Lumagapak…

…siya sa sahig mula sa kanyang kama naalimpungatan
At agad siyang napabangon

Tanghali na pala…

Pandora’s Box

Lyrics na lang ang kulang at makakalikha na ako ng isang ethnic song na walang ibang gamit na background instrument kundi ang malakas na paghilik ng kuya ko na nagkakaroon na ng tono sa himbing ng kanyang pagkakatulog. Tulog na talaga sila at ako na lang ang gising bukod sa mga nagkakantahang mga kuliglig at ipis na nagtayo ng komunidad sa mga sulok-sulok ng bahay namin.

Pasado ala una…

At ayaw lang naman ako patulugin nitong si Immanuel Kant at ng kanyang mga hardcore philosophical literary piece tungkol sa ‘Genuine Morality’ na kailangan kong paglaanan ng pagsusunog ng kilay at pagkuskos ng libag. Simple lang naman kailangan kong gawin. Pasasakitin ko lang ang ulo ko sa pagintindi ng mga radikal niyang pilosopiya at gagawan yon ng isang analysis. At bago yon e sasailalim muna ako sa isang ritwal. Matapos ko magbasa ay bubuksan ko ang computer at magpapatukso na maglaro muna ng ZombieShooter at pag natauhan na ko na kinabukasan na pala ang pasahan nitong paper, e saka ko lang ihihinto. Saka ko lang bubuksan ang MSword at mahigit kalahating oras kong tititigan ang monitor bago ko mai-type ang mga salitang:

According to him, man should act only on that maxim through which he can at the same time will that it should become a universal law.

kelan mo ba nalaman at sino ang nagsabi sayo na ang pagsisinungaling at pagsuot ng underwear sa ulo ay parehong mali? Sino nga ba ang nagdidikta ng moralidad ng isang tao? Diyos? Lipunan? o si Panday?

Mga Naglalarong Laway sa Bibig ng Tagayang Baso

Isang oras at apatnapung minuto bago mag-december 25, dalawang katropa pa ang dadaanan bago mapunta sa akin ang pagikot ng tagay. Bukod sa mga batang kumakain ng paputok, mga halo-halong ingay ang karamihan sa mga nagpapasigla sa gabi at kasabay ng pagkumpas ng mga paa ko sa tugtugang punk-disco na yumayanig sa kabilang bahay, inaaliw ko ang sarili ko sa pagnguya ng greenpeas habang nakikipagdiskurso sa mga kainuman. Tawanan, tablahan at harutan.

Ibang level talaga ang pwedeng maging trip pag nagsimula nang gumapang sa mga ugat mo ang espiritu ng alak. Kaya mong marating ang isang malayong kalawakan, lumutang sa hangin at sumayaw nang walang kapaguran.

“In wine, there is a truth.” Di ko maalala kung saan ko narinig ‘yan at kung sinong tomador ba nagsabi nyan. At kung hindi natin nanamnamin e walang bumbilyang iilaw sa tuktok ng ulo natin. May kalaliman pero kung sasalaminan mo ng ideyang pilosopikal, dun mo matatanto na may mga katotohanang nakalibing sa mga tinuturing na kahibangan. Hindi masarap ang alak kumpara sa paborito mong orange juice. Pero para bang alak ang humahalina sa isang grupo ng mga tao na magkumpulan, pagitnaan ang isang maliit na lamesa na may nakapatong na isang platong inihaw na bangus at isang basong sawsawan. Hindi masarap ang alak kumpara sa mountain dew na madalas mong bilihin sa canteen. Pero para bang alak ang umaakbay sa balikat ng mga taong may mabibigat na problema. Hindi din masarap ang alak kumpara sa shake na pampalamig mo tuwing tanghalian. Pero para bang alak ang dahilan kung bakit nagiging Katrina Halili sa paningin mo ang kapitbahay mong amazona. At hindi din masarap ang alak kumpara sa mainit na kapeng may kapartner na biskotso. Pero bakit para bang alak ang nagpapasigla sa kwentuhan ng isang barkada.

Gaya ng isang malupet na body slam sa saliw ng dagungdong ng drumbeats sa isang tugtugang Metal, may mga bagay na minsan e kailangang gamitan ng panyuyog para maibulalas. May mga kinikimkim kang mga bagay-bagay na nagyelo na sayong kalooban na kailangan ng ibayong init ng alak para matunaw at maisiwalat.

Nakasakay ako ngayon sa isang karawahe hila ng mga pulang kabayo. Lumilipad at nakikipagkarerahan sa mga usa ni Santa Claus.

Tagay muna…

%d bloggers like this: