…tambayan, kwentuhan, at inuman ng mga maiinit na ideyang tinimpla sa tintang may aroma.

Pinakahuli / Pinakabago

Oo nga pala…

…kung paano sinulyapan ni Pedro ang kanyang likuran:

Maglilimang taon na din akong kumikilos. Halos limang taon na akong sumisigaw sa lansangan. Maglilimang taon na din akong nag-aalay ng dugo’t pawis, sakripisyo para sa sambayanan. Para sa Rebolusyon. Para sa masa. At sa halos limang taon na ‘yon, unti-unti, hindi ko na napagninilay-nilayan …sino nga ba ang masa?

Ako si Pedro. dalawamput-limang taong gulang. Dating estudyante. Pangarap ko pa noon makapagtrabaho sa iba’t-ibang bansa. Maging mayaman. Makapagpatayo ng magarbong tirahan. Kasing taas ng mga building sa Makati ang pangarap ko noon. Pero ni basong pinag-inuman mula sa Starbucks ay di man lang ako nakahawak.

Ang pamilyang pinanggalingan ko ay tinawag na uring Anakpawis. Isang uri na humila sakin para ako ay maorganisa at mamulat. Sa loob lang ng ilang buwan. Dahan-dahang nag-iiba ang mga pananaw ko sa mundo, sa tao, sa lipunan. Hanggang sa lansangan na ang nagsilbi kong tirahan at ang mga salitang ‘kalayaan’, ‘demokrasya’, ‘pakikibaka’ ang karaniwang laman ng aking sikmura. Ako na dating estudyante, na mas piniling paglingkuran ang sambayanan kaysa sa silid-aralan. Nangarap makapag-organisa sa kanayunan. Mamuhay ng simple. Manirahan sa piling ng mga masa. Kasing taas ng kabundukan ng Sierra Madre ang mga pangarap kong ‘yon. Pero ni simpleng pag-aalala mula sa’king mga magulang ay di ko man lang natugunan.

Dalawamput-dalawang taong gulang ako nang magpasya akong humiwalay sa pamilya at mamuhay kapiling ang mga masang-api. Nakidigma para sa interes ng mayoryang napagsasamantalahan sa kanayunan. Nakibaka para sa pambansang demokrasya. Sa kalayaan. Minahal ang sambayanan pero hindi naramdaman ng sarili kong mga magulang. Mas maraming natamong tagumpay kaysa pagkabigo. At mas marami ding panahong lumipas na di ko nahaplos ang likod ng nanay ko sa tuwing sya’y inuubo. Nagkakasakit na dahil sa pag-aalala sa kanyang anak.

Dekada din ang dumaan..

Napa sa kamay na natin ang pampulitikang kapangyarihan. Tagumpay na tayo. Malaya na ang sambayanan. Limang taon din akong kumilos. Halos limang taon din akong sumigaw sa lansangan. Limang taon din akong nag-aalay ng dugo’t pawis, sakripisyo para sa sambayanan. Para sa Rebolusyon. Para sa masa. At sa limang taon na ‘yon, kung kailan patay na ang mga magulang ko, saka ko lang napagnilay-nilayan… Sila nanay at tatay, oo nga pala, walang pinag-iba sa pinagsilbihan kong mga masa. Ang pamilyang minsan kong iniwan, oo nga pala, bahagi din ng sambayanang minsan kong pinaglaban.

Masigla Ang Alon ng Baybayin

 

YAKAPIN.PAGYAMANIN.ANG.SARILING.ATIN

Nangahas muli ang mga daliri

Isang gabi, sa harap ng pc monitor…

…ilang beses ko na atang tinangka. Nagtimpla pa ko ng kape’t nakinig ng kung anu-anong musical genres bilang seremonya. Alam ko gusto ko at ganado ako. Pero hindi ko alam kung ano ang pinagtatalunan ng utak kong gustong magsulat pero hindi alam kung anong mga salita ang isisigaw at ng kamay kong umaasa sa ididikta ng utak na parang na-mental block at walang masabi kaya hetong kamay e tuliro na din sa kung anong gawain ang dapat simulan.

Utak: teka! magandang ideya ‘to a..maisulat nga.

Kamay: teka! ok ‘tong larong ‘to a..malaro nga.

Utak: pano ko nga ba sisimulan? (nakatitig sa monitor) hhmmm..

Kamay: Ui! daming friend request…tangina, ganda netong ‘sang ‘to a..

Para bang kasing dami ng mga araw na lumipas ang mga ideya’t alaalang gusto ko sanang maisaletra. Mga konseptong naipon at napanis na lang. Inimbak ko sa utak ko ang lahat. Pero hindi nga pala ito tulad ng isang flash drive na kayang mag-store ng 550 mp3-songs at 2 movies. At ang nangyari, ang lahat ay parang pagkaing naburo; namaho, nasira at parang di ko na kayang tikman. Sinusubukan ko pa din i-scan paminsan-minsan ang mga “files”, sa kasamaang palad, ang ilan e “corrupted” na. Kung mabubuksan ko lang ang bubunan ko at makakakalikot, masundot-sundot ang mga nasa loob sana lang e maibalik pa ang mga kwento’t inspirasyon na minsan mo nang ginustong maisatitik.

"kapirasongkritika.wordpress.com"

Hindi ko alam kung sino ‘tong wirdong bigotilyong mama na nasa larawan at kung anong trip ang gusto nitong ipahiwatig. Naisip ko lang, ang utak ng tao madalas nakukulong na lang sa isang garapon kasama ng mga kung anu-anong mga bagay-bagay na sya mismo ang naglagay. At doon nya paiikutin ang tinuturing nyang makulay na mundo.

Utak:  shit! hindi ko alam kung malala lang talaga ang katamaran ko o sadyang tinatamad lang talaga ako..

Kamay: pwede both? …tingin ko ako dapat magsabi nyan..

Utak: sino ba kasi nag-imbento ng salitang priority?

Kamay: di ba mga taong abala sa buhay ang madalas gumagamit ng salitang ‘yon?

Utak: malay ko? …ewan. basta, gagawin ko kung ano gusto kong gawin..

Kamay: ang priority minsan nagiging necessity…mahirap matakasan yun! at madalas sa bawat desisyon, kaakibat nito ang tanong na “para kanino?”

**TheEnd**

Sa mga Martir na Kamote sa Kanayunan

Pula ang sinag ng buwan
Na nagpapaalab sa liwanag ng minimithing araw
Gabay mo sa pagtahak
Sa kasukalan ng inyong teritoryo
Alerto sa kada hakbang
Dulo ng sandata, tuwina’y nakaumang
Tangan ang mapamuksang mahaba
Proteksyon
Sa isang operasyong pagpapalaya
Nilisan mo ang kapatagan
Sa kabundukan pinanday ang kapalaran
Sa kanayunan isinapraktika
Ang dinidikta ng pusong
Sa kontradiksyon hinulma
Anong tindi ng bigat nang isakripisyo
Ang nakapanlulumong luha ng iyong magulang
Alang-alang sa kapakanan ng inang bayan
Pinili mo pa ding mahaluan
Ang gatas sa ‘yong mga labi
Ng pulbura ng bala sa ‘yong mga kamay
Nakibaka’t ipinaglaban ang pulang linya
Sa likod mo ay ang batalyong masa
Sa labanan, kakampi mo ang hubog ng kalupaan
Sa kagubata’y kasangga mo ang mga puno
Sa kalamigan ng gabi’y papag sa iyo ang mga damo
Sa digmang bayan
Katuwang mo mga karit at maso

At sa ‘yong pagpanaw

Kasama ka bawat umagang ngumingiti ang araw
Kasama ka sa pagbuhos ng ulan
Kasama ka sa tunay na panalangin
At higit sa lahat
Kasama ka hanggang sa tagumpay
Ng lupang masikhay mong ipinaglaban
Na minsang nadiligan
Ng ‘yong dugong Makabayan

Gaano pa nga ba kadami ang mga dugong maaaring pumatak
Nang ang Bayan ay makatindig sa sarili nitong pangyapak?

Little Mr.Greyhound

Heto na naman si Puloy, muling binabagtas ang kahabaan ng mausok at walang pahingang kalsada ng Aurora. Patungo kung saan makakapulot ng swerte. Sumpang naging habitwal sa mura niyang edad. Ang usok mula sa mga sasakyan ang tangi niyang pabango sa katawan, ang mga ingay ng kalsada ang kanyang musika at tanging lansangan ang nakagisnan niyang palaruan. Lahat ng ‘yon ay tinuturing niyang palamuti sa paulit-ulit na pagikot ng kanyang malamig na mundo. Araw-araw, mula umaga hanggang gabi ang kanyang byahe sa iisang ruta lamang para maghagilap ng panglaman-tiyan. Tinatahak niya mula Aurora hanggang kalsada ng Legarda para abangan ang mga nakakatakam na tira-tirang putahe’t panghimagas mula sa mga resto at fast food na kanyang nadadaanan. Sa maghapon, samu’t-saring mga nilalang ang kanyang nakakasalubong at minsa’y nakakasalamuha. Mga taong dedma sa mga tulad niyang walang umaari kaya’t naging palaboy, mga taong tinuturing na salot ang kanyang uri na minsa’y gumagamit ng dahas para siya’y maitaboy palayo. Meron din naman siyang mga katropa, mga kawangis niya na madalas niyang makadaupang-palad sa lansangan at makajamming sa hapagkainan. Di nila alintana ang panganib sa pakikipagpatintero kalaro ang mga humahagibis na mga sasakyan sa kalsada.

Isang gabi ng Martes, isang sandali kung saan abalang-abala ang lansangan sa mga dagsang sasakyan at mga taong papauwi mula sa kanilang pinanggalingan, halo-halong ingay ng iba’t-ibang nilalang, maruming usok mula sa mga pampasaherong jeep na humalo sa hangin at sumakop sa kapaligiran, at iba’t-ibang kulay at kutitap ng mga ilaw mula sa mga establisyimento na sumasayaw at nagpapabuhay sa mumunting palaruan ni Puloy. Heto siya’t katatapos lang mag-dinner ng tira-tirang paelya con pabo sa isang magarbong grill&resto sa kahabaan ng Magsaysay blvrd. Naghahanap na siya ng masisiestahan para sa pansamantala niyang pagiwan sa mausok niyang mundo. Napansin niyang madalang na ang pagdaan ng mga sasakyan kaya’t tyumempo siya sa pagtawid sa kabilang kalsada. Umarangkada na siya sa pagtawid nang marinig niya ang isa sa mga kinahumalingan niyang musika. Iisang ritmo ang tunog, walang melodiya at katono ng isang malakas na busina ng isang humahagibis na truck. Napalingon si Puloy sa kanyang kanan. Isang nakakasilaw na liwanag ang papalapit na tila nagsasabing tuluyan na niyang iiwan ang nakagisnan niyang mundo. Sa pakiramdam niya’y tinabunan siya ng nakakasilaw na liwanag. Dagling dumilim ang kanyang paningin at nablangko ang kanyang ulirat.

Heto na si Puloy, lapat at plastado sa kalsada, nakahandusay habang kasiping ang sariling dugo at mga laman-loob na nagkalat na parang taho. Luwa ang bituka’t sumirit ang paelya con pabo.

Heto na si Puloy, maya-maya lang aasikasuhin na ng MMDA ang kanyang bangkay.

Kawawang si Puloy, walang tagapagalaga, pinabayaan ng kanyang walang pusong amo, kasuklam-suklam para sa mga tulad niyang palaboy na aso..

Abiso

ang may akda ng blog na ito ay kasalukuyang natuyuan ng gata sa utak dahil sa hindi maipaliwanag na phenomenon na epekto ng mga planetary movements. Siya ay humihingi ng kaunting pasensya sa mga nagtatyagang bumisita at mga napapadaan sa site na ito. Napagpasya siya ngayon na  sumailalim muna sa isang hybernation, nose lift, breast enhancement at vasectomy na sa tingin nya po ay malaki ang maitutulong sa kanyang pagsusulat.

Para po sa inyong mga kawanggawa, pakilowdan na lamang po ang kanyang inaanik-anik na prepaid broadband. **09075591628**

Maraming salamat po sa inyong pangunawa.

“Incredible” Ink

Tubig, pamaypay, tuwalya, at kung ano pang mga panglunas sa nakakairitang pagaantay sa isang mala-pila ng libreng lugaw tuwing araw ng eleksyon. Maiwanan na sa bahay lahat-lahat ng pangontra sa pagkakainip wag lang ang mabisang gamot na lahat tayo ay mayroon…

…pasensya.

Isa ako sa mga first time voters na excited madumihan ang kuko sa araw ng botohan. Lalo pa ngayon at automated na, na para bang isang maselang propesor ang PCOS machine na pag di ka nagsipilyo at mahingahan mo lang ang balota e ire-reject na. Kinarir ko ang panonood sa telebisyon ng mga interviews sa mga kandidato. Halos isang linggo kong pinag-isipan, sinuri at pinagnilay-nilayan kung sinong kandidato nga ba ang karapatdapat bentahan ng boto iluklok sa posisyon.
Maaga akong gumising nung araw na yon dahil maaga dapat ako boboto, kaso sumagi sa isip ko na malamang karamihan sa mga botante sa lugar namin e ganon din ang plano kaya dagsaan din at mukhang di matutupad ang kahilingan kong mapabilis. At hindi nga ako nagkamali sa nabuo kong teorya. Mga bandang alas tres na ako nagpunta sa eskwelahan kung saan ako boboto, nalibot ko muna ang buong iskul bago ko makita ang presinto ko sa isang building na ilang metro lang pala ang layo sa entrance gate. Hindi na ganon kadami ang mga tao. Pawisan na ang singit ko habang hinahagilap ko ang pangalan ko sa listahan at nang makita e pakiramdam ko ay para akong nanalo sa isang contest.

**ang mga sumunod na eksena ay ang kalahating oras na nakakaburyong paghihintay habang nasa pila.**

Matapos kong makumbinsi ang sarili ko na maaliw sa pagbabasa ng mga polyetos at mga sample ballots na nagkalat e oras na para sa climax. Pasmado pa naman ang mga palad ko at normal na bumabaha ito ng pawis sa mga pagkakataong gaya nito. Pakabigay sa akin ng BEI, maingat kong hinahawakan ang balota na sa haba ay pwede nang ikumot. Pagkaupo ay binuklat ko ang secrecy folder at nahilo ako sa dami ng pangalan. Sa momentong iyon ko naramdaman ang kapangyarihang pumili ng mga taong katuwang sa pagpapaunlad ng ating bansa at ang nasa harapan ko ay ang mismong instrumento. Shade dito, shade doon. Di ko maiwasan ang mga kaunting lagpas at mga bakas ng pawis mula sa palad ko na dumampi sa balota kaya nang matapos, paglapit ko sa counting machine e slow-motion effect kong ipinasok ang balota at naghintay sa pagluwa nito kasunod ng pagkaalarma sa buong presinto at pagdedeklara ng failure of election. Pero hindi naman iyon nangyari kaya nakahinga ako ng maluwag.

Taas noo akong naglakad pauwi sa bahay na may kulay ube sa kuko ng kanang hintuturo simbolo ng pagtupad ng aking tungkulin bilang Pilipino. Kahit alam kong hindi naman mananalo ang binoto kong presidente, malaki pa rin naman ang magagawang pagbabago ng nagiisa kong boto.

Nostalgia

Nung bata ka ba?:

  • kinakagat mo din ba ang bakal ng mongol pencil mo para lumuwa ang eraser at makapagbura ka?
  • kumakanta ka din ba noon sa harap ng electric fan?
  • sinisilip mo din ba noon yung loob ng ref kung mamamatay yung ilaw habang sinasara?
  • kumain ka din ba ng nectar ng santan?
  • at tinangka mo na din ba noon na tikman ang iyong kulangot?

sagutan ng tahimik at ipasa sa guro nang nakangisi.

***mula sa isang forwarded text message***

Taas kamaong pagpupugay!

Muli na namang ipinagdiwang ang mapulang Araw ng mga Manggagawa. Nagtitipon-tipon saan mang sulok ng mundo, nagpapatunay sa patuloy na paglakas ng pwersa katuwang ang mga kasamang magsasaka’t mga kalinyang sektor ng lipunan para gibain ang pader sa kampo ng mga naghaharing-uri. Silang mga may angking kakayahan sa paglikha, di lang kamay ang gamit kundi gayon din ang talas ng pagiisip, silang dapat na nagpapatakbo sa produksyon na umaayon lamang sa pangangailangan ng sariling bansa, silang may tunay na husay at kapangyarihan ngunit kinukupot ng mga nagsasamantala, at silang pangunahing lakas para mabaliktad ang tatsulok, tuluyang sirain ang nabubulok na sistema at palitan ng perspektibang totoong makapagpapaunlad di lang ng bayan kundi ng sarili.

from each, according to his own ability, to each according to his need.”

Magsama-sama tangan ang iisang linya para sa layuning paunlarin ang bansa. Dahil ang uring manggagawa, tunay, malakas, hukbong mapagpalaya.

they lose nothing but their chain.” –Marx

Mundo sa loob ng Monitor

Sa wakas. Para bang dekada ang dumaan na di ako nakapaghain ng bagong putahe dito sa bahay ko sa kadahilanang bisibisihan sa totoong mundo. Pero magkaalaman na, alibi ko lang talaga yon. Ilang sachet na ng 3-in-1 ang pinapak ko, halos matunaw na ang monitor kakatitig ko dito gabi-gabi, at ilang pancit at sampaguita na ang naialay ko sa harap ng computer tuwing alas dose ng gabi pero wala ako ni isang letrang naipost sa loob ng ilang linggo. Hindi ko alam kung tigang na ang utak ko o mas nawiwili lang talaga ako mangapitbahay at mamboso ng post ng may post. Dati, mga kapitbahay ko lang ang madalas ko tambayan, pero ngayon kung saan-saang street na ng wordpress ako napapadpad. Sa madaling sabi madalas bukas ang bahay ko pero madalas din akong wala dito. Nasa kabilang kanto lang naman ako, kundi tumatagay e nakikitsismis kung sino na ang buntis. At kulang ang isang araw para maenjoy ang paglalakbay sa mga mahaharot na kaisipan ng mga kapwa ko pinoy wpblogger. Kaya wag ka na magtaka kung minsang mapadpad ka dito sa bahay ko at makita mong maagiw ang sulok-sulok. Matityempuhan mo na lang ang mga iniwan kong bakas ng tsinelas sa mga bahay-bahay na madalas mo ding tambayan.

Napakabilis nga talaga ng innovation sa teknolohiyang likha ng tao. Sadyang sumasabay sa pangangailangan natin. Kaya lang di ko alam kung sa pag usad ng panahon alin sa dalawa, luxury o necessity, na nga ba ‘mas’ nagsisilbi ang pag unlad ng teki. Panahon kung saan sinasamba pa sina Tirso at Nora, wala pa ata sa bokabolaryo ng mga noypi ang ‘LOL, WTF, IMBA, CHARCHAR, BTW, NASL, CPP, NPA, NDF. 😆 Bilang lang sa daliri ang mga taon o dekadang dumaan, presto! Facebook, Plurk, Twitter at kung anu-ano pang mga social networking sites ang naglipana sa cyberspace para itanim sa utak natin na ang pakikisalamuha at pakikipagkamayan sa isang tao ay maaaring katumbas na lang ng pagtipa sa keyboard. Teka, nakalimutan ko, nagi-exist pa pala ang Friendster. At naalala ko yung sabi ng propesor ko dati na imposibleng magkaroon ang isang indibidwal ng libo-libong “kaibigan”. Sa madaling sabi, sa mga social networking sites lang posibleng magawa yun. Teknolohiya nga naman. Napakahusay at napakaprogresibo ang nagagawang tulong na umaabot na sa puntong inaalis na nito ang esensya ng pakikipagkapwa. Ganon kahusay ang WorldWideWeb. Para bang yung movie na “Surrogates”. Imagine na lang na majority na ng mga tao sa mundo ay nagkukulong na lang sa loob ng kani-kanilang bahay at nakaupo sa isang makina habang kinokontrol na lang nila ang kani-kanilang mga ‘puppet’ para mamuhay sa labas at makisalamuha sa mga kapwa nila ‘puppet’.

Ito ang cyberspace. Kung saan daynamiko at makulay ang interaksyon ng mga Netizens. Marami kang makakadaupang-palad pero di mo tiyak ang kanilang itsura’t personal na pagkatao. Marami kang makakakwentuhan pero di mo madadama ng husto ang emosyong kalakip ng bawat pangungusap. Marami kang mapupulot. Nasa sayo na kung babaliwalain mo ito o susuriin.

O, pano…maiwan muna kita. Tambay lang muna ko sa kabilang kanto.